Calendar
House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos
Rep. Sandro Marcos inihalal na Majority Leader, mga Deputy Speaker inihalal na rin
INIHALAL ng Kamara de Representantes si Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos bilang Majority Leader sa pagbubukas ng unang regular na sesyon ng 20th Congress.
Isa si Rep. Marcos sa pinakabatang mambabatas na humawak ng makapangyarihang posisyong ito, na may tungkuling pamunuan ang pagsusulong ng agenda ng Kamara, pag-isahin ang supermajority bloc, at isulong ang mga repormang nakapaloob sa adhikaing Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Idineklara ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang paghalal kay Rep. Marcos matapos na walang tumutol sa mosyon ni acting floor leader na si Iloilo 3rd District Rep. Lorenz Defensor.
“There is a motion to elect the Hon. Ferdinand Alexander A. Marcos as the Majority Leader of the House of Representatives. There being no objection, the Hon. Ferdinand Alexander A. Marcos is elected as Majority Leader of the House of Representatives,” anunsyo ni Speaker Romualdez.
Pangangasiwaan ni Rep. Marcos ang mga deliberasyon sa plenaryo, pamamahala ng pang-araw-araw na operasyon ng Kamara, at ang pagpapabilis ng pagpasa sa mga pangunahing panukalang batas na tumutugon sa muling pagbangon ng ekonomiya, edukasyon, imprastraktura, digital innovation at panlipunang katarungan.
Ang kanyang pagkakahalal ay lalo pang nagpapatibay sa ugnayan ng lehislatibo at ehekutibong sangay, kung saan itinuturing si Rep. Marcos bilang pinagkakatiwalaang katuwang ni Speaker Romualdez.
Samantala, inihalal si Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez bilang Senior Deputy Speaker, na may pangunahing papel sa pagtulong sa Speaker sa pamumuno sa mga sesyon at paggabay sa mga prayoridad sa lehislatura.
Itinalaga rin ng Kamara ang mga sumusunod na kinatawan bilang Deputy Speakers: Janette Garin (Iloilo, 1st District), Yasser Alonto Balindong (Lanao del Sur, 2nd District), Paolo Ortega V (La Union, 1st District), Jay Khonghun (Zambales, 1st District), Kristine Singson-Meehan (Ilocos Sur, 2nd District), Ronaldo Puno (Antipolo City, 1st District), Faustino Dy III (Isabela, 6th District), Ferjenel Biron (Iloilo, 4th District) at Raymond Democrito Mendoza (TUCP party-list).
Muling inihalal si Reginald Velasco bilang Secretary General at si retired Police Maj. Gen. Napoleon Taas bilang Sergeant-at-Arms, upang matiyak ang pagpapatuloy ng maayos na pamamalakad at seguridad sa Kamara.
Mula nang pumasok sa Kongreso noong 2022, kinilala si Rep. Marcos sa kanyang disiplina, lalim sa mga polisiya at inklusibong pananaw sa paggawa ng batas.
Bilang senior deputy majority leader noong 19th Congress, ginampanan niya ang mahalagang papel sa pagsusulong ng mga prayoridad na panukala at pagbubuo ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba ng partido.
Ang kanyang promosyon bilang Majority Leader ay nagpapakita ng tiwala ng supermajority ng Kamara sa kanyang kakayahang makapaghatid ng resulta at magdala ng panibagong sigla sa mga repormang pang-institusyon.

