BBM2

PBBM: Hindi sapat ang flood control projects kung barado ang mga estero

302 Views

SA paglulunsad ng Bayanihan sa Estero campaign sa Buli Creek, Pasig City noong Sabado (Agosto 2, 2025), sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi sapat ang mga flood control project kung ang mga estero ay nananatiling barado sa basura at water hyacinths.

Ayon sa Pangulo, kinakailangang magtulungan ang lahat ng sektor sa paglilinis ng mga silted at polluted waterways sa Metro Manila upang maiwasan ang paulit-ulit na pagbaha.

“Kahit maganda ang flood control projects natin, kung barado pa rin ang estero, mababaha pa rin tayo,” ani Marcos.

Binanggit din ng Pangulo ang korapsyon sa ilang flood control projects sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) at iniutos ang pagsasagawa ng audit sa mga proyekto sa nakalipas na tatlong taon. Nangako rin siya ng pananagutin ang mga nasa likod ng mga iregular o pekeng proyekto.

Ayon sa MMDA, 12 sa 23 estero na prayoridad ay nalinis na, habang lima, kabilang ang Buli Creek, ay kasalukuyang nililinis. Target ng MMDA na matapos ang paglilinis sa lahat ng 23 estero sa ikatlong quarter ng taon.

Ang Bayanihan sa Estero ay isang multi-sectoral initiative sa pangunguna ng MMDA, kasama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno, LGUs, at civil society groups para sa malawakang paglilinis ng mga estero sa Kalakhang Maynila. PCO