La Union Source: La Union province

2 patay sa La Union dahil sa Bagyong ‘Emong’

522 Views

DAGUPAN CITY – Dalawang katao ang nasawi at tatlo ang nasugatan sa lalawigan ng La Union sa kasagsagan ng Bagyong Emong, ayon sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) nitong Sabado ng umaga (Agosto 2), bandang alas-9.

Ayon sa ulat, isa sa mga nasawi ay nalunod, habang ang isa pa ay nasugatan matapos madaganan ng punongkahoy ang kanilang bahay habang nananalasa ang bagyo.

Umabot sa 128,402 pamilya o katumbas ng 370,624 indibidwal ang naapektuhan sa mga bayan ng Bacnotan, Balaoan, Bangar, Luna, San Gabriel, Santol, Sudipen, Agoo, Aringay, Bagulin, Bauang, Burgos, Caba, Naguilian, Pugo, Rosario, Santo Tomas, Tubao, at San Fernando City.

Sa kabuuang bilang, 2,660 pamilya (8,372 katao) ang nananatili sa 269 evacuation centers, habang 1,818 pamilya (6,115 katao) naman ang pansamantalang nanunuluyan sa mga kamag-anak o kaibigan.

Naibalik na ang suplay ng kuryente sa pitong bayan, at patuloy ang pagkukumpuni sa ibang lugar.

Sa kabuuan, 4,122 bahay ang tuluyang nawasak at 33,332 ang nasira.

Nakipag-ugnayan na ang pamahalaang panlalawigan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan (LGUs) upang maipamahagi ang unang batch ng relief goods, kabilang ang pagkain at hygiene kits.

Ayon sa Provincial Information Office (PIO), inihahanda na rin ang susunod na batch ng relief packs para sa karagdagang tulong sa mga apektadong mamamayan.

Noong Miyerkules, pinangunahan ni Gobernador Mario Eduardo Ortega ang aerial inspection ng mga nasalantang lugar, kasama ang mga kinatawan ng Office of the Civil Defense (OCD) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang suriin ang lawak ng pinsala at matukoy ang mga pangunahing pangangailangan ng mga residente.

Inatasan din ni Gobernador Ortega ang Provincial Engineering Office na pabilisin ang pagtulong sa mga LGU sa paglilinis ng mga kalat at punong bumagsak, pati na rin ang pagsasaayos ng mga nasirang poste ng kuryente, ayon sa PIO.