Calendar
PBBM nilagdaan EO No. 91, Sulu bahagi na ng Zambo Peninsula
NILAGDAAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 91 na nagsasaad na ang lalawigan ng Sulu ay bahagi na ng Zamboanga Peninsula, upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng pamahalaan at hindi maputol ang paghahatid ng mga mahahalagang serbisyong pampubliko sa bansa.
Nilagdaan ang EO 91 noong Hulyo 30, kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na hindi isinama ang Sulu sa saklaw ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa panahon ng transisyon na sasaklaw sa fiscal year 2025, inaatasan ang pamahalaang panlalawigan ng Sulu, kasama ang mga lokal na pamahalaang nasasakupan nito at mga kinauukulang ahensiya ng pambansang pamahalaan, na magsagawa ng hakbang upang matiyak ang maayos at sunod-sunod na paglilipat.
Pinahihintulutan din ang Bangsamoro government, pamahalaang panlalawigan ng Sulu, at ang mga LGU nito na pumasok sa mga kasunduan o mekanismo upang mapanatili ang pagpapatuloy ng mga programa, aktibidad, at proyekto (PAPs), at ang kanilang pondo, para masigurong hindi mapuputol ang serbisyo sa publiko.
Inaatasan ng EO 91 ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na isama ang Sulu sa rehiyon ng Zamboanga Peninsula pagdating sa regional administration, development planning, investment programming, budgeting, at iba pang layunin alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.
Magkakaroon din ng isang Technical Working Group (TWG) upang subaybayan at gabayan ang pagpapatupad ng desisyon ng Korte Suprema. Ang TWG ang magsusumite ng transition plan at tutugon sa mga isyung maaaring lumitaw sa panahon ng implementasyon.
Ang TWG ay binubuo ng mga sumusunod:
Chairperson: Kalihim ng Budget
Co-chairperson: Minister ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG)
Vice Chairperson: Kalihim ng DILG
Kasapi: Gobernador ng Sulu, mga kinatawan ng pambansang ahensiya at Bangsamoro government
Ang TWG ay inaatasang magsumite ng taunang ulat sa Office of the President sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary ukol sa progreso ng pagpapatupad ng EO.
Tungkol sa mga kawani ng gobyerno:
Ang mga permanenteng empleyado na maaapektuhan ng transisyon ay may opsyong:
Mag-aplay ng paglipat sa ibang posisyon sa BARMM, executive branch, o LGU na may katumbas na ranggo o sahod;
Magretiro o umalis sa serbisyo na may kalakip na separation benefits.
Ang mga nagretiro o umalis ay bawal muling tumanggap ng posisyon sa executive branch sa loob ng limang taon, ngunit pinapayagan sa ibang sangay ng pamahalaan o lokal na pamahalaan.
Ang pondo para sa mga PAPs na lilipat sa pambansang ahensiya sa unang taon ng implementasyon ng EO 91 ay manggagaling sa kasalukuyang badyet ng mga kinauukulang ahensiya.
Ang lahat ng PAPs na pinondohan para sa Sulu sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act ay magpapatuloy hangga’t may bisa ang pondo hanggang Disyembre 31, 2025, o hanggang sa ito ay lubos na mailabas.
Ang EO 91 ay agad na magkakabisa mula nang ito ay pormal na isapubliko noong Sabado.

