Calendar
PBBM nagbigay-pugay sa mga sundalong PH na lumaban sa Digmaang Koreano
BILANG parangal sa mga sundalong Pilipinong lumaban sa Digmaang Koreano, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang taimtim na seremonya ng pag-aalay ng korona ng bulaklak at pagtatanim ng puno sa United Nations Memorial Cemetery in Korea (UNMCK) sa Busan noong Linggo, bilang paggunita sa kabayanihan ng mga Pilipinong sundalong lumaban at nagbuwis ng buhay sa Digmaang Koreano.
Kasama ng Pangulo ang Unang Ginang Louise Araneta-Marcos at ilang matataas na opisyal ng pamahalaan. Sa kanyang pagdalo, pinarangalan ni Pangulong Marcos ang Philippine Expeditionary Force to Korea (PEFTOK) at muling pinagtibay ang matatag na paninindigan ng Pilipinas para sa kapayapaan at pagkakaisa ng mga bansa.
Sila ay tinanggap ni Ambassador Suh Jeong-in, tagapangasiwa ng UNMCK, at ni Minister of Patriots and Veterans Affairs Kwon Oh-eul.
Ang United Nations Memorial Cemetery in Korea (UNMCK) ang tanging libingan ng mga sundalo ng United Nations sa buong mundo, kung saan nakahimlay ang ilan sa mga labi ng mga bayani mula sa 22 bansa na lumaban noong Digmaang Koreano.
Noong Agosto 1955, boluntaryong ipinagkaloob ng Parliament of Korea sa United Nations ang lupang kinatatayuan ng UNMCK para sa permanenteng paggamit bilang libingan, bilang pagkilala sa kabayanihan at sakripisyo ng mga puwersa ng UN.
Tinanggap ito ng UN General Assembly, at sa pamamagitan ng UN General Assembly Resolution 977 (X), pormal na naitatag ang UNMCK noong Disyembre 1955.
Sa paglipas ng mga taon, maraming pinuno ng estado at mataas na opisyal ng iba’t ibang bansa ang bumisita sa UNMCK. Noong 2011, si Ban Ki-moon, na noo’y Kalihim-Heneral ng United Nations, ang naging unang UN chief na bumisita sa nasabing sementeryo bilang pagpupugay sa mga internasyonal na sundalong nasawi sa digmaan.
Kasama ng Pangulo at ng Unang Ginang sa seremonya sina Department of Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa P. Lazaro, Acting Secretary Dave Gomez ng Presidential Communications Office, Ambassador Bernadette Therese Fernandez, Embahador ng Pilipinas sa Republika ng Korea (ROK), mga kasapi ng Embahada ng Pilipinas sa Seoul, mga kasundaluhan ng Pilipinas na nakatalaga bilang UN Honor Guards sa UN Command, at mga Pilipinong iskolar na kasalukuyang naka-enroll sa mga institusyong militar ng ROK.
Dumalo rin sa naturang okasyon sina PARK Eun-jung, UNMCK Director-General of Public Affairs, at John Bocskay, Director for International Affairs. PCO
