Calendar
BILANG pagtugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isang Bagong Pilipinas na may malasakit, disiplina, at tapat na serbisyo, dalawang pulis ng Quezon City Police
District ang nagpakita ng tunay na malasakit sa kapwa matapos nilang tulungan ang isang pamilya na muling makapiling ang kanilang nawawalang kaanak.
Noong Oktubre 14, 2025, bandang 10:15 ng gabi, habang nagpapatrolya ang QC 223 Mobile Crew na sina Patrolman Gabriele D. Harrison at Patrolman Jack Rodrigo P. Pandato ay napansin nila ang isang babae na may hawak na flyer ng nawawalang kamag-anak.
Agad silang nag-abot ng tulong at sinamahan sa paghahanap. Sa pamamagitan ng maagap na koordinasyon at pagsisikap, matagumpay nilang natagpuan ang nawawala sa Visayas Avenue, Barangay Vasra, Quezon City.
“Ang ganitong klaseng malasakit ang nagbibigay saysay sa ating tungkulin bilang alagad ng batas,” pahayag ni Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr. “Sa bawat pagkakataon, ipinaaalala nito ang adhikain ng Pangulo para sa isang pulisya na naglilingkod nang may puso at integridad.”
Ayon kay Police Brigadier General Randulf T. Tuaño, PNP Spokesperson at Chief PIO, “Ang ganitong mga sandali ay nagpapaalala sa atin na higit pa sa pagpapatupad ng batas, ang pagiging pulis ay tungkol sa malasakit sa kapwa. Ang bawat kabutihan ay nagiging tulay ng tiwala sa pagitan ng PNP at ng sambayanang Pilipino.”
Nananatiling matatag ang PNP sa diwa ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman, sagisag ng disiplina, malasakit, at tapat na paglilingkod sa mamamayang Pilipino.

