Calendar
Kita ng PAGCOR mula Enero hanggang Setyembre umakyat sa P14.32B
UMAKYAT sa P14.32 bilyon ang net income ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) mula Enero hanggang Setyembre 2025, o 49% na mas mataas kumpara sa P9.63 bilyon sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Naitala rin ang P84.09 bilyong kabuuang kita sa unang siyam na buwan ng taon, mula sa P79.43 bilyon noong 2024.
P75.93 bilyon dito ay galing sa gaming operations habang P8.16 bilyon naman ang mula sa iba pang services at kita ng ahensya.
Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco, ang pagtaas ng kita ay resulta ng mga pagbabago sa pamamalakad ng ahensya.
“Our financial performance is a clear reflection of PAGCOR’s renewed focus on governance, digital transformation, as well as sustainable and responsible gaming,” ani G. Tengco.
Tumaas din ng 11% ang Contributions to Nation-Building (CNB) ng ahensya sa P54.26 bilyon, mula sa P48.88 bilyon noong nakaraang taon.
Sa halagang ito, P36.06 bilyon ang napunta sa National Government alinsunod sa Presidential Decree 1869, kasama na ang pondo para sa Dangerous Drugs Board at PhilHealth.
Nagbayad din ang PAGCOR ng P3.79 bilyon sa franchise taxes at P609.87 milyon sa corporate income taxes sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Naglaan naman ng humigit-kumulang P11 bilyon para sa iba’t ibang socio-civic projects, kabilang ang pondo para sa President’s Social Fund.
Nakatanggap ng P1.80 bilyon ang Philippine Sports Commission (PSC) bilang 5% na bahagi nito, 8.66% na mas mataas kaysa dati, habang P26.54 milyon ang naipagkaloob sa mga atleta at coach na nagwagi sa mga international competitions sa ilalim ng Sports Incentives and Benefits Act.
Kabilang din sa mga nakatanggap ng pondo ang Board of Claims (P42.42 milyon) at Renewable Energy Trust Fund (P201.47 milyon). Samantala, P508.20 milyon ang ibinahagi sa mga host cities ng Casino Filipino branches.
Dagdag pa ni G. Tengco, nananatili ang mandato ng PAGCOR na siguruhing napapakinabangan ng publiko ang kita ng ahensya.
“Every peso that PAGCOR earns goes back to the people through classrooms, health facilities, disaster response programs, and other community projects,” aniya. “Our focus is to sustain this momentum while ensuring that the gaming industry continues to operate responsibly and contribute to national development.”

