Senator Sherwin Gatchalian

Paghigpit sa bentahan ng pre-reg SIM card hiniling

209 Views

BUNGA ng iba’t ibang pananamantala ng mga scammer lalo’t ngayong Kapaskuhan, umapela si Senador Sherwin Gatchalian sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at sa National Telecommunications Commission (NTC) na higpitan ang pagpapatupad ng batas laban sa talamak na bentahan ng mga pre-registered SIM card.

Binalaan niya na ginagamit ang mga ito sa iba’t ibang uri ng panlolokong pinansyal at online scams, lalo na ngayong magpapasko kung kailan mas maraming mananamantala.

“Ako ay nananawagan sa NTC at DICT na gamitin ang lahat ng kanilang kapangyarihan upang obligahin ang mga telco na gumawa ng mekanismo para matukoy ang mga subscriber. Kailangang maghanap ng makabagong solusyon. Hindi natin pwedeng hayaan itong magpatuloy. May batas na tayo,” ani Gatchalian.

“Matagal na nating pinag-uusapan ito, lalo na ngayong magpapasko na naman,” dagdag pa niya.

Sa isang pagdinig kamakailan sa Senado ukol sa panukalang budget ng mga ahensya para sa susunod na taon, ipinakita ng senador ang mga larawan ng mga pre-registered SIM na hayagang ibinebenta sa social media.

Bilang isa sa mga may-akda ng SIM Registration Act, binigyang-diin ni Gatchalian na hindi pa rin naaabot ang layunin ng batas na matulungan ang mga awtoridad na matukoy ang mga mapanlinlang na mga grupo o indibidwal na sangkot sa mga krimeng pinansyal at online scams dahil sa patuloy na pagbebenta ng mga pre-registered SIM sa kahit na sinong interesado.