Calendar
Institutionalized na panuntunan para sa transparency ng infra proyekto hiniling
ISINUSULONG ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang pagkakaroon ng institutionalized na mga panuntunan para sa transparency at accountability sa lahat ng proyektong imprastraktura ng pamahalaan na pinopondohan sa pamamagitan ng pambansang badyet, upang maiwasan ang iregularidad at maling paggamit ng pondo ng bayan.
Inihain ni Escudero ang Senate Bill No. 1461 o ang panukalang Infrastructure Appropriations Integrity Act, na naglalayong tiyakin na tanging mga proyektong teknikal at pinansyal na viable lamang ang maaring isama sa National Expenditure Program (NEP) at sa General Appropriations Act (GAA).
Ayon sa panukala, dapat isama sa bawat proyekto ang mga detalye tulad ng station numbers, geotagging, geodetic coordinates, at iba pang teknolohikal na sistema upang madaling matukoy ang lokasyon at aktwal na kalagayan ng proyekto.
“Ang geotagging ay isa sa pinakamahalagang mekanismo para makita natin kung ano ang estado ng isang proyekto—kung may ginagawa ba talaga o naka tengga lang ito habang tuloy-tuloy na nagpapalabas ng pondo ang gobyerno,” ani Escudero.
Nilalaman din ng panukala na hindi dapat maisama sa pambansang badyet o maisakatuparan ang anumang proyektong imprastraktura kung hindi ito dumaan sa masusing feasibility study. Kailangang may maayos at kumpletong dokumentasyon ng teknikal at pinansyal na batayan ng proyekto — kabilang ang detalyadong unit price analyses, standard cost ng mga materyales, at quantity estimates — at dapat itong buksan sa pagsusuri ng publiko.
“This documentation is a requirement and condition sine qua non for inclusion of any infrastructure project in the National Expenditure Program (NEP) and the General Appropriations Act (GAA). All proposed projects must be vetted otherwise it should not receive a single centavo in public funds,” dagdag pa niya.
Ipinagbabawal din sa panukala ang budget splitting o ang paghahati-hati ng pondo sa isang proyekto sa pamamagitan ng pag-phase kahit pa anong dahilan. Binigyang-diin ni Escudero na ito ay labag sa Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Law.
“Splitting of government contracts has long been prohibited under Republic Act 9184 or the Government Procurement Reform Law. This is to prevent the schemes that are intended to circumvent the law and budget policies in order to facilitate corruption,” ayon pa sa dating Senate President.
Bilang bahagi ng kasalukuyang imbestigasyon ng Senado sa mga flood control programs ng gobyerno, lumabas ang ilang mga problema tulad ng substandard na konstruksyon, mababang kalidad ng materyales, overpriced na procurement, at sa ilang kaso, hindi talaga umiral ang proyekto — kilala sa tawag na ghost projects.
Kaugnay nito, sumulat si Escudero kay Senate Finance Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian upang hilingin na isama sa 2026 national budget ang mga probisyon ng SBN 1461 — bilang general provision o special provision sa mga partikular na ahensya.

