Calendar
PASTOR HULI SA ‘PAGPUSLIT’ NG 3 PINOY SA CLARK AIRPORT
3 biktima magtatrabaho sa scam hub sa Cambodia
ISANG umano’y pastor ang naharang sa Clark International Airport (CIA) noong hapon ng Nobyembre 1 matapos tangkaing ipuslit ang tatlong Pilipino upang magtrabaho nang ilegal sa mga scam hub sa Cambodia.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ipinakilala ng lalaki ang kanyang sarili bilang alias “Pastor Falcon” at nagtangkang lumipad sakay ng isang Cebu Pacific flight patungong Bangkok, Thailand, kasama ang tatlong indibidwal na kanyang ipinakilalang mga kasamahan sa kanilang relihiyosong samahan.
Ngunit nang hiwa-hiwalay na kapanayamin ng mga miyembro ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), nagbigay ang mga kasama ng magkakasalungat na pahayag hinggil sa kanilang layunin sa paglalakbay at ugnayan sa isa’t isa.
Kalaunan, inamin ng tatlo na ang tunay nilang destinasyon ay Cambodia, kung saan sila na-recruit upang magtrabaho bilang mga call center agent at tagaluto sa isang kumpanya roon.
Inalok sila ng mataas na sahod na hanggang P50,000 kada buwan, ngunit wala silang malinaw na kaalaman sa eksaktong uri ng trabaho na kanilang gagawin.
Inamin din nila na humingi sila ng tulong sa naturang pastor matapos nitong ipagyabang na nakapaglabas na siya ng maraming manggagawa palabas ng bansa.
Sa mabilis na beripikasyon ng rekord nito, nakumpirmang minsan na siyang bumiyahe kasama ang isang indibidwal na umalis bilang turista ngunit hindi na nakabalik hanggang ngayon.
Mariing kinondena ni Viado ang pagtatangkang ito ng pekeng pastor. “Nagpakita pa siya ng diumano’y endorsement letter mula sa kongregasyon, na nagsasabing ang tatlong biktima ay mga miyembro ng simbahan na masigasig sa paglilingkod at pagbabahagi ng pagmamahal ni Kristo,” ani Viado.
“Nakakalungkot na ginagamit ng mga trafficker ang mga gawaing panrelihiyon bilang pantakip sa kanilang krimen. Ang pekeng pastor na ito ay nararapat lamang na panagutin sa kasong trafficking at sa panlilinlang sa mga biktima, kahit alam niyang matinding hirap ang kanilang mararanasan sa mga scam hub sa ibang bansa,” dagdag pa niya.
Ang suspek at ang tatlong biktima ay na-turn over na sa CIA Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na magsasagawa ng imbestigasyon at paghahain ng kaukulang kaso laban sa mga recruiter.

