Pacman

PBBM: Pagbabalik ni Pacquiao sa boxing, paalala ng matatag na diwang Pilipino

403 Views

IPINAHAYAG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Linggo ang kanyang buong suporta kay Manny “Pacman” Pacquiao, ang alamat ng boksing sa Pilipinas, na matagumpay na nagbalik sa ring at nagtala ng majority draw laban sa kasalukuyang WBC welterweight champion na si Mario Barrios.

Bago tumulak patungong Estados Unidos para sa kanyang opisyal na pagbisita, nag-post si Pangulong Marcos sa social media upang hikayatin ang sambayanan na suportahan ang “People’s Champ,” at tinawag ang laban na: “isang sandaling masaksihan ang puso ng isang kampeon at ang lakas ng isang bayan.”

“Ang buong Pilipinas ay humihinga ng sabay, MULING NAGKAKAISA sa likod ng ating Pambansang Kamao,” dagdag pa ng Pangulo sa kanyang post.

Sa edad na 46, muling sumabak sa laban si Pacquiao kontra sa 30-anyos na si Barrios — na 16 na taon ang kanyang nakababatang kalaban — sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas. Matapos ang 12 round ng matinding bakbakan, nagtapos ang laban sa majority draw, kung saan isang hurado ang nagbigay ng puntos na 115–113 pabor kay Barrios, at ang dalawa ay tabla sa 114–114. Dahil dito, napanatili ng Amerikanong boksingero ang kanyang WBC welterweight title.

Kinilala mismo ni Barrios ang kahusayan ni Pacquiao:

“Akala ko ako na ang panalo. Pero saludo pa rin ako kay Manny. Isang karangalang makasama siya sa ring,” aniya, at dagdag pa niya, “Nagulat ako sa tibay niya sa edad na 46.”

Huling lumaban si Pacquiao noong Agosto 2021 bago opisyal na magretiro upang tumutok sa serbisyo publiko. Nagsilbi siyang senador mula 2016 hanggang 2022. Tumakbo siya sa pagkapangulo noong 2022 ngunit hindi pinalad, at muling natalo sa pagkasenador noong Mayo 2025.

Ang kanyang pagbabalik halos apat na taon matapos ang pagreretiro ay sinalubong ng sigawan, paghanga, at matinding pambansang pagmamalaki.

Para sa administrasyong Marcos, ang pagbabalik ni Pacquiao ay hindi lamang tagumpay sa larangan ng palakasan, kundi isang makapangyarihang paalala ng lakas, tatag, at pagkakaisa — mga pangunahing katangian ng diwang Pilipino na sentro ng adhikaing Bagong Pilipinas.