PBBM

PBBM personal na pinangagasiwaan ang paghahanda sa SONA — Bersamin

411 Views

PERSONAL na pinapangasiwaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbuo ng kanyang talumpati at ang paghahanda para sa nalalapit na ika-apat na State of the Nation Address (SONA), bilang pagpapakita ng kanyang matinding hangarin na mapabuti ang kalagayang panlipunan at pang-ekonomiya ng mga Pilipino, ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Linggo.

Sa isang panayam sa gilid ng seremonya ng pag-alis ng Pangulo para sa kanyang opisyal na pagbisita sa Washington, D.C., binigyang-diin ni Bersamin na aktibong nakikilahok si Pangulong Marcos sa pagbuo ng ulat para sa SONA, na itinuturing niyang isang mahalagang pagkakataon upang direktang maiparating sa taumbayan ang mga ginagawa at plano ng kanyang administrasyon.

“Aktibong kasali ang Pangulo sa paghahanda ng SONA dahil ito ay ulat para sa bayan,” ani Bersamin sa harap ng media sa Villamor Air Base sa Lungsod ng Pasay.

“Palagi niyang binibigyan ito ng mataas na pagpapahalaga, at sa tingin ko, nakakalap na siya ng mga materyal para sa kanyang SONA,” dagdag pa ni Bersamin.

Ibinahagi rin niya na sabik ang Pangulo na iulat sa publiko ang mga programa at proyektong maingat na idinisenyo upang itaas ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng SONA na nakatakdang ganapin sa Hulyo 28.

“Alam niyo, si Presidente, masyadong matindi ang pokus niya sa mga ganitong bagay dahil mahalaga sa kanya ang direktang pakikipag-ugnayan sa taumbayan — ang mga ginagawa niya, ang ginagawa ng Gabinete, at ang buong gobyerno,” ani Bersamin.

Ayon pa kay Bersamin, patuloy na nire-review ng Pangulo ang kanyang ulat upang matiyak na ang tamang impormasyon at pinakamahalagang datos ay malinaw at tapat na maihahatid sa publiko.

Nang tanungin kung isasama ba ng Pangulo sa kanyang ulat ang kanyang biyahe sa Estados Unidos, sagot ni Bersamin: “Kung may bagay na karapat-dapat iulat, maaaring asahan natin iyon.”

Ang pagbisita ni Pangulong Marcos sa Washington, D.C. ay nakatuon sa pagpapalalim ng matagal nang ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos, lalo na sa mga mahahalagang larangan gaya ng depensa at kalakalan, partikular sa usapin ng 20 porsyentong taripa sa mga produktong inaangkat ng Amerika mula sa Pilipinas. PCO