Calendar
Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
PBBM sa mga Pinoy: Gumamit ng AI
HINIMOK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Linggo ang mga Pilipino na gamitin ang artificial intelligence (AI) bilang kasangkapan sa pagkatuto, at binigyang-diin na sa madalas na paggamit nito ay lalong gumagaling ang kakayahan nitong makapagbigay ng kapaki-pakinabang na sagot.
“Ang AI natututo. Mas lalo mong gagamitin, mas lalong gagaling ang sagot sa’yo. Kaya’t gamitin ninyo nang gamitin, para iyong AI masanay sa inyo. Pagkatagal ng panahon, makikita ninyo—iyong sagot ng AI sa mga tanong ninyo ay paganda nang paganda,” ani Pangulong Marcos sa kanyang pinakabagong video blog na in-upload nitong Linggo.
Ilan sa mga praktikal na gamit ng AI na binanggit ng Pangulo ay ang paghahanap ng direksyon, pag-alam ng mga aktibidad sa isang partikular na lugar, at pagtulong sa paggawa ng mga talumpati.
Sa vlog, ipinakita rin ang isang AI-generated na segment na nagpapakita ng pagkamalikhain ng mga Pilipino: huminto muna ang Pangulo sa kanyang vlog habang nasa isang opisina sa Malacañang, tumayo mula sa upuan, nagsuot ng itim na leather jacket, at umikot na parang rockstar na nakabuka ang mga braso. Pagkatapos, bumagsak ang mga dingding ng opisina at lumitaw ang isang entabladong tila para sa isang rock concert.
Sa kabila ng magagandang gamit ng AI, ipinahayag ng Pangulo ang kanyang panghihinayang sa maling paggamit nito ng iba para sa masasamang layunin.
“Sa kabila ng magagandang development na ito, nakakalungkot na ginagamit din ito ng masasamang-loob sa mga scams, sa mga fake news, sa pagpapalaganap ng maling impormasyon. At marami sa atin ang nabibiktima dito,” pahayag niya.
Ang pagsusulong ng paggamit ng AI ay bahagi ng isinusulong na digitalisasyon ng administrasyong Marcos, kasabay ng pagpapabuti ng koneksyon sa internet sa buong kapuluan at pagbibigay ng mga serbisyo ng pamahalaan sa pamamagitan ng smart apps.
Noong Mayo, inilunsad ng pamahalaan ang “TunAI,” isang AI-powered na app na bahagi ng isang social media platform. Layunin nitong tuklasin ang mga pekeng balita, beripikahin ang mga impormasyon, at ituro ang mga user sa mga lehitimong pinagmumulan.
Ipinahayag din ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagsasanay at pagbuo ng sariling AI engine ng bansa na idinisenyo para tumulong sa mga Pilipino sa pangangalap ng impormasyon, pag-uulat ng krimen, at may kakayahang tumugon gamit ang mga wikang pamilyar sa mga mamamayan.
PCO

