Calendar
Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
PBBM tinanggap mungkahi ni Ramon Ang na mag-desilt ng daluyan ng tubig sa MM
MALUGOD na tinanggap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes ang mungkahi ni Ramon Ang, pangulo at chief executive officer ng San Miguel Corporation, na magsagawa ng desilting sa mga daluyan ng tubig sa Metro Manila bilang bahagi ng pagsisikap na matugunan ang paulit-ulit na pagbaha.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang desilting ay dapat sabayan ng mga solusyong pinangungunahan ng mga lokal na pamahalaan ukol sa pamamahala ng basura.
Iminungkahi ni Ang na tugunan ang suliranin ng pagbaha sa Metro Manila nang hindi gumagastos ang pamahalaan o ang publiko.
“Palagi kong sinasabi na kailangan nating isama ang pribadong sektor sa lahat ng aspeto ng ating pambansang kaunlaran,” ani Pangulong Marcos sa isang press briefing sa Kalayaan Hall ng Malacañang, sa paglulunsad ng isang website ng pamahalaan para sa mga proyektong kontra-baha.
“Ngayon, ‘yung proposal ni Ramon Ang ay talaga namang welcome dahil, alam niyo, nakita natin ang mga proyekto niya. Maganda naman ang mga nagiging resulta,” aniya.
Itinuro ng Pangulo na ang mga lokal na pamahalaan, lalo na sa kalakhang Maynila, ay kailangang resolbahin ang problema sa basura.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na hindi magiging epektibo ang desilting hangga’t walang pangmatagalang solusyon sa problema sa basura, at binanggit ang mungkahi ukol sa pagtatayo ng waste-to-energy facility sa Lungsod ng Maynila at posibleng sa iba pang lugar.
Sinabi rin ng Punong Ehekutibo na maaasahan ang mga taipan ng bansa na sumuporta sa mga inisyatibo ng pamahalaan.
“At hindi na ito bago. Ang tinatawag nating mga taipan ng bansa, kapag may gusto tayong gawin, kusa silang nag-aalok ng tulong. Kaya marami talaga silang naiiaambag,” ayon sa Pangulo. PCO

