PBBM tutok sa sakuna, kalusugan at reporma

146 Views

Muling hinarap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang sunod-sunod na hamon sa bansa nitong Agosto 10 hanggang 14, kasabay ng pagtutok ng administrasyon sa epekto ng habagat at mga bagyo, gayundin sa kalusugan, pagkain, imprastraktura, kapaligiran at paglaban sa katiwalian.

Sa unang araw ng linggo, pinangunahan ni Marcos ang Cabinet briefing kaugnay ng epekto ng habagat at mga bagyong Luis at Maymay. Inatasan niya ang mga ahensya ng gobyerno na tiyaking makarating ang ayuda sa mga apektadong komunidad at pinakiusapan ang Department of Health na magpatupad ng fast lanes sa mga ospital para sa mga kaso ng dengue at leptospirosis.

Kasabay nito, itinalaga niya si Dr. Edwin Mercado bilang bagong Health Secretary at si Dr. Beverly Lorraine Ho bilang PhilHealth president. Natanggap din ng Pangulo mula sa Department of Budget and Management ang panukalang ₱7.2-trilyong national budget para sa 2027.

Sa gitna ng mga pagbaha, personal ding sinilip ni Marcos ang flood-control operations at evacuation areas sa Las Piñas at Pasay. Inatasan niyang pabilisin ang mga proyekto, kabilang ang matagal nang naantalang spillway, at ang paglilinis ng mga daluyan ng tubig. Itinulak din niya ang waste-to-energy projects bilang pangmatagalang solusyon sa basura at pagbaha.

Iniulat naman ng DSWD na nakahanda ang 5.2 milyong family food packs para sa disaster response. Samantala, 2,600 housing units na ang naiulat na nakumpleto sa ilalim ng 4PH program sa Davao.

Sa usapin ng proteksyon sa mga manggagawa ng gobyerno, nilagdaan ni Marcos ang Administrative Order No. 43, na nagbibigay-daan sa voluntary deduction at direktang remittance ng SSS, PhilHealth at Pag-IBIG contributions ng contract of service at job order workers. Nilabas din niya ang Administrative Order No. 44 para mapabilis ang koordinasyon ng mga ahensya, LGU at pribadong sektor sa pagkumpleto ng Sangley Airport sa Cavite.

Pinalawak din ng administrasyon ang Walang Gutom Kitchens, kung saan inatasan ang DSWD na magtayo ng 12 pasilidad sa buong bansa na magbibigay ng libreng masustansiyang pagkain sa mga nagugutom, kabilang ang mga seasonal worker. Iniulat ng programa ang 6.7 percentage-point na pagbaba sa household hunger sa mga benepisyaryo nito.

Samantala, umabot sa ₱2.013 trilyon ang tax collections ng Bureau of Internal Revenue mula Enero hanggang Hulyo, lampas sa target para sa naturang panahon. Patuloy rin ang kampanya sa paglilinis ng mga estero at ilog, kung saan nagtalaga ang DENR ng 1,500 estero rangers at river warriors at nagkabit ng 196 trash traps sa Metro Manila.

Sa foreign policy at governance, nakipagpulong ang Pangulo sa mga opisyal ng Estados Unidos at iginawad ang Order of Sikatuna kay outgoing French Ambassador Marie Fontanel dahil sa kanyang kontribusyon sa ugnayan ng Pilipinas at France. Sa Foreign Correspondents Association of the Philippines Presidential Luncheon, muli ring binigyang-diin ni Marcos ang kanyang suporta sa press freedom at ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa mga iregularidad sa mga proyekto ng gobyerno.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng unang BARMM parliamentary elections, na nakatakda sa Setyembre 14, bilang mahalagang yugto sa peace process at pagpapaunlad ng pamamahala sa Bangsamoro.

Sa pagtatapos ng linggo, muling iginiit ni Marcos ang layuning mag-iwan ng gobyernong mas mapagkakatiwalaan, mas mabilis tumugon at nakatuon sa pangmatagalang pag-unlad bago matapos ang kanyang termino sa 2028.