Abante4

‘Ghost projects’ ni VP Sara kinuwestyon ni Abante

Mar Rodriguez Aug 16, 2026
116 Views

KINUWESTIYON ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. kung may bahagi ng multi-bilyon pisong confidential funds ni Vice President Sara Z. Duterte ang napunta umano sa mga “ghost project” o hindi umiiral na proyekto at benepisyaryo.

Ayon kay Abante, mas malalim pa sa simpleng maling paggamit o kakulangan sa liquidation ang isyu dahil hindi pa malinaw kung sino talaga ang mga tumanggap ng pondo at kung anong mga aktibidad ang pinondohan nito.

Bukas noon ang mga mambabatas na magsagawa ng “executive session’ upang mabigyan si Duterte ng pagkakataong ipaliwanag ang pagkakakilanlan ng mga umano’y benepisyaryo ng confidential funds nang hindi inilalantad sa publiko ang sensitibong impormasyon.

Si “Mary Grace Piattos” ang isa sa mga pangalang naging sentro ng kontrobersiya dahil lumitaw umano sa mga dokumentong may kaugnayan sa confidential funds.

“Sa akin, hindi na ‘yung pinagbigyan e. Pero sa akin, parang ghost project na lahat ‘yan e. Hindi lang hindi tama kundi ghost,” dagdag ni Abante.

Binigyang-diin ni Abante na bagama’t maaaring manatiling kumpidensiyal sa publiko ang pagkakakilanlan ng mga benepisyaryo ng confidential funds, hindI ito dapat itago sa Commission on Audit (COA).

Ayon sa mambabatas, dapat matukoy ng COA ang tunay na pagkakakilanlan ng mga tumanggap ng pondo, kung ginamit nga ang pera sa mga lehitimong confidential activities, at kung sinunod ang mga umiiral na panuntunan sa paggastos.

Hindi dapat maging lihim sa mga auditor ang impormasyon kung kanino ibinigay ang pondo, paano ito ginastos, saan ginamit at kung ano ang isinagawang aktibidad.

Muling binatikos ni Abante ang hindi pagharap ni Duterte sa mga pagdinig ng Kongreso kaugnay ng mga alegasyon laban sa kanya.

May pagkakataon ang Bise Presidente na humarap sa executive session upang maipaliwanag ang paggamit ng confidential funds nang hindi inilalantad ang sensitibong detalye sa publiko.