Rep. Adiong kinondena ang ambush sa Macacua convoy

116 Views

Mariing kinondena ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang ambush sa convoy ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua, na kinumpirma rin ng Philippine National Police (PNP) na naganap sa bahagi ng General Santos–Cotabato National Highway sa Barangay Bitu, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Sabado, Agosto 15.

Nanawagan si Adiong ng mabilis, masusi at kumpletong imbestigasyon upang matukoy ang mga nasa likod ng pag-atake at mapanagot ang mga responsable. Para sa mambabatas, hindi lamang seguridad ng isang opisyal ang nakataya kundi maging ang katatagan ng Bangsamoro peace process.

Lalo umanong mahalaga ang agarang paglilinaw sa insidente dahil isang buwan na lamang bago ang nakatakdang September 14, 2026 BARMM Parliamentary Elections. Aniya, hindi dapat pahintulutang maapektuhan ng karahasan ang demokratikong proseso at pagpapatuloy ng sariling pamamahala sa Bangsamoro.

Hinimok din ni Adiong ang lahat ng panig na lutasin ang anumang alitan sa pamamagitan ng dayalogo, demokratikong institusyon at rule of law, sa halip na dahas.

“Hindi natin dapat hayaang sirain ng karahasan at pananakot ang makasaysayang paglalakbay ng Bangsamoro tungo sa pangmatagalang kapayapaan at tunay na sariling pamamahala.”