Dy

Dumaguete kay Speaker Dy: Salamat sa pagpili sa ‘min bilang venue ng LegisHear

Mar Rodriguez Aug 16, 2026
78 Views

NAGPASALAMAT ang mga lokal na opisyal sa Dumaguete City kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa pagpili sa kanilang lalawigan na destinasyon ng “LegisHear.”

Para sa mga Dumaguete, regalo ang programa dahil binigyan nito ng mas malaking pagkakataon ang mga ordinaryong mamamayan na marinig ang kanilang boses sa proseso ng paggawa ng batas.

Mahigit 1,800 kalahok kabilang ang mga estudyante, lokal na opisyal, kinatawan ng mga national government agency at iba pang stakeholder ang dumalo sa aktibidad na ginanap sa Negros Oriental State University (NORSU) mula Biyernes hanggang Sabado.

Ayon kay Dumaguete City Mayor Manuel “Chiquiting” Sagarbarria, hindi niya inaasahang mapipili ang kanilang lungsod bilang venue ng unang Visayas leg ng LegisHear.

Para sa alkalde, ipinakita ng pagdadala ng LegisHear sa Dumaguete kung paano maisasagawa ang participatory governance mula sa Kongreso hanggang sa mga komunidad.

Binigyang-diin din ni Sagarbarria na mahigit 1,800 katao ang nabigyan ng pagkakataong maipahayag ang kanilang pananaw, kabilang ang mga estudyanteng dumalo sa konsultasyon.

Naniniwala ang alkalde na ang mga nakalap na suhestiyon ay maaaring makatulong sa pagbuo ng mga batas na hindi lamang makikinabang ang Dumaguete at Negros Oriental kundi maging ang buong bansa.

Nagpasalamat din si Negros Oriental 2nd District Rep. Ma. Isabel “Maisa” L. Sagarbarria kay Speaker Dy sa pagpili sa Dumaguete at Negros Oriental bilang unang LegisHear venue sa Visayas.

Nagpapakita ng tiwala ng House leadership sa mga lokal na opisyal at stakeholder ng Negros Oriental ang pagpili sa kanilang lugar bilang venue ng malaking congressional consultation.

Tampok sa LegisHear Dumaguete ang talakayan sa House Bill No. 9305 o proposed KALINGA Act na naglalayong maglatag ng mas sistematikong programa ng pamahalaan para sa pagtulong sa mga Pilipino sa panahon ng mataas na inflation, pagtaas ng presyo ng fuel at enerhiya, at iba pang economic disruptions.

Tinalakay rin ang House Bill No. 7608 na naglalayong gawing Negros Oriental Regional Hospital ang Negros Oriental Provincial Hospital, dagdagan ang kapasidad nito sa 500 kama at i-upgrade ito bilang specialty service hospital sa ilalim ng Department of Health.