Calendar
Manila Rep. Bienvenido Abante Jr.
P7.2T ’27 budget tatalakayin na sa Lunes
INAASAHANG sisimulan na ng Kamara de Representantes sa susunod na linggo ang pagtalakay sa proposed P7.2 trilyong badyet para sa 2027, ayon kay Manila Rep. Bienvenido Abante Jr.
Itinakda ni Nueva Ecija Rep. Michaela Suansing ang pagsisimula ng deliberasyon sa Lunes matapos isumite ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang panukalang badyet sa Kamara noong nakaraang linggo.
Iniharap ang panukalang budget sa mga opisyal ng Kamara na pinangunahan ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at Majority Leader-Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos.
Magsisimula ang deliberasyon sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) tungkol sa mga pagkukunan ng pondo, antas ng paggasta, at panukalang budget ng mga departamento, ahensya at government-owned and controlled corporations (GOCCs).
Sa Martes, makakatanggap ng briefing ang appropriations panel mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ipinaliwanag ni Abante na ang isinumite ng ehekutibo ay ang National Expenditure Program (NEP) o bersyon ng Pangulo sa panukalang badyet.
Magiging pambansang badyet lamang ito matapos talakayin at aprubahan ng House of Representatives at Senado at maging General Appropriations Bill (GAB), ayon kay Abante.
Kung magkakaroon ng magkaibang bersyon ang dalawang kapulungan, bubuuin ang isang bicameral conference committee upang pag-isahin ang mga probisyon ng dalawang bersyon.
Matapos itong ma-ratify ng Kamara at Senado, ipapadala ang pinal na panukalang badyet sa Pangulo para sa lagda. Kapag nilagdaan ito, magiging General Appropriations Act (GAA) o batas at magsisilbing pambansang badyet para sa 2027.
Binigyang-diin ni Abante ang kahalagahan ng pagiging bukas ng proseso ng pagtalakay sa pambansang badyet.

