Calendar
Manila Rep. Bienvenido Abante Jr.
Impeachment trial ni VP Sara tapos na sa Nov – Abante
NANINIWALA si Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. na posibleng matapos sa Nobyembre ang Senate impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sapat na ang mga ebidensiyang iniharap ng House prosecution panel para mahatulan at matanggal sa puwesto ang Pangalawang Pangulo, sabi ni Abante.
Matibay umano ang mga ebidensiyang iniharap kaugnay ng “Article 4 ng Articles of Impeachment” na tumatalakay sa alegasyon ng grave threats at inciting to sedition.
“I think that what the prosecution team has presented is enough to impeach the Vice President. ’Yung sa grave threats lang is already enough. That is betrayal of public trust,” sabi ni Abante.
Ang Article 4 ay may kaugnayan sa banta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at noo’y House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ayon kay Abante, hindi na kinakailangang matapos ng prosecution ang lahat ng impeachment charges kung mayroon nang sapat na ebidensiyang makapagpapatunay sa mga paglabag na inaakusahan kay Duterte.
“Ako, sa totoo lang, hindi na kinakailangan, para sa akin, napag-usapan lahat, sapagkat one or two things about the Vice President eh, guilty na siya,” aniya.
Umaasa ang mambabatas na matatapos ang impeachment proceedings bago matapos ang taon.
Kasalukuyang inihaharap ng House prosecution ang mga ebidensiya kaugnay ng umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon na confidential at intelligence funds na inilabas noong 2022 at 2023 para sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), noong si Duterte ang kalihim ng edukasyon.
Sa kabuuang halaga, P500 milyon ang inilaan sa OVP habang P112.5 milyon ang napunta sa DepEd.

