Abante7

Abante: VP Sara not as popular as before

Mar Rodriguez Aug 16, 2026
105 Views

NANINIWALA si Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. na hindi na kasing-popular ngayon si Vice President Sara Duterte kumpara noon.

Dapat suriin nang mabuti ang mga pahayag tungkol sa political influence at popularidad ng Bise Presidente, lalo na sa panahon ng paglaganap ng fake news.

“Usong-uso ang fake news ngayon. Ako, naniniwala ako na Vice President is not as popular as before,” ayon sa kongresista.

Mas maraming impormasyon ang nakikita at naririnig ng publiko habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings, kaya nagkakaroon ang mga Pilipino ng pagkakataong bumuo ng sariling pananaw hinggil sa mga alegasyon laban kay Duterte.

Binanggit ng mambabatas ang isang survey ng Octa Research na isinagawa noong Hulyo 2026 na nagsabing 80 porsiyento ng mga adult Filipino ang nais na humarap si Duterte sa impeachment trial.

Nasa 55 porsiyento naman ang nagsabing nais muna nilang makita at suriin ang mga ebidensiyang ihaharap bago makabuo ng pinal na hatol.

Ang apat na Articles of Impeachment laban kay Duterte ay may mga alegasyon kaugnay ng umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman at mga diperensya sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), panunuhol umano sa mga opisyal ng Department of Education, at mga banta sa pagpatay laban sa Pangulo, First Lady at dating House Speaker, gayundin ang incitement to sedition.