Fake

Pekeng Crocs, gamit pang manufacture nasabat sa Pampanga

Bernard Galang Feb 27, 2026
121 Views

SAN FERNANDO CITY, Pampanga–Nasamsam ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mahigit P216 milyon na halaga ng mga pekeng Crocs at mga manufacturing equipment sa sa Golden Haojia industrial compound sa Brgy. Balucuc, Apalit, Pampanga noong Huwebes pero hindi nahuli ang mga nasa likod ng operasyon.

Pinangunahan ang operasyon ng CIDG Pampanga Provincial Field Unit sa tulong ng Apalit police, ayon sa report.

Ipinatupad ng mga awtoridad ang search warrant na inilabas ng Manila Regional Trial Court Branch 46 kaugnay ng umano’y paglabag sa RA 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines na nagpaparusa sa trademark infringement.

Ang pangunahing suspek sa ni-raid na pasilidad, si Geraldine Martinez, general manager ng naturang bodega, na nananatiling at large hanggang sa kasalukuyan.

Nasamsam sa raid ang 64 kahon na naglalaman ng tig-36 pares ng hinihinalang pekeng Crocs footwear na may tinatayang halagang P10.53 milyon at 117 kahon na may tig-36 pares ng isa pang modelo ng footwear na nagkakahalaga ng P5.76 milyon.

Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang 30 sako ng rubber resin, apat na set ng heavy machinery na umano’y ginagamit sa paggawa ng footwear na nagkakahalaga ng P200 milyon, at iba’t-ibang dokumento ng transaksyong pang negosyo.

Umabot sa kabuuang tinatayang halagang P216,305,000 ang mga nakumpiskang ebidensya, ayon sa CIDG.

Nabigong magpakita ang mga kinatawan ng bodega ng mga dokumentong magpapatunay sa legalidad ng kanilang operasyon, at napansin din ng mga imbestigador ang kawalan ng kinakailangang business permits na nakapaskil sa loob ng pasilidad, ayon sa hepe ng CIDG RFU na si P/Col. Grant Gollod.

Ayon sa mga awtoridad, nagmula ang operasyon sa impormasyong ibinigay ng isang confidential informant na kalauna’y napatunayan at napatibay ng mga imbestigador ng CIDG.

Lumabas umano sa imbestigasyon na mula pa noong Marso 2025 ay gumagawa at namamahagi na ang bodega ng pekeng Crocs footwear, na ibinebenta sa mas mababang presyo sa Pampanga at mga karatig-probinsiya.

Ayon sa CIDG, nagdulot ang ilegal na aktibidad ng pagkalugi sa may-ari ng rehistradong trademark at nagbanta rin sa kaligtasan ng mga mamimili dahil sa hindi reguladong paggawa ng mga produkto.