Hot News

Pekeng parak laglag sa pangingikil

25 Views

FakeKALABOSO ang 27-anyos na lalaki na nagpanggap na pulis at nangikil sa mga nagkukumpuni ng fiber optic cables sa Quezon City noong Hunyo 15.

Kinilala ang suspek na si alyas Napole na nadakip ng mga pulis ng Project 6 Police Station bandang alas-9:30 ng gabi sa Congressional Avenue.

Ayon sa report, nagsasagawa ng repair at maintenance work ang isang engineer at kanyang grupo sa Mindanao Avenue noong Hunyo 14 nang lapitan sila ng suspek.

Nagpakilala umano ang suspek na “Master Sergeant Pole” at nagpakita pa ng baril upang takutin ang mga manggagawa.

Bagama’t ipinakita ng grupo ang kanilang mga permit at iba pang dokumento, iginiit ng suspek na kulang ang mga ito at nagbantang magsampa ng kasong obstruction.

Kinuha rin umano niya ang mga dokumento ng grupo at isinama ang complainant.

Ngunit sa halip na dalhin siya sa himpilan ng pulisya ay dinala umano siya sa isang parke at ipinahiwatig na maaaring maareglo ang usapin kapalit ng pera.

Kinabukasan, muli umanong nakipag-ugnayan ang suspek at humingi ng bayad kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso.

Dahil sa pagdududa sa kanyang pagkakakilanlan, humingi ng tulong ang complainant sa Project 6 Police Station.

Sa beripikasyon, napag-alamang walang “Master Sergeant Pole” na nakatalaga roon at nahuli ang “pulis” sa ginawang entrapment ng iabot ng mga biktima ang P1,500 sa kanya.

Nakumpiska mula sa suspek ang P1,500 marked money, isang Glock 17 replica airsoft pistol at isang cellular phone.

Nasangkot umano ang suspek sa kapareho din na kinsidente na iniulat sa National Police Commission (NAPOLCOM) noong Hunyo 2 kung saan nagpakilala naman siyang si “PMSgt Edward Hernandez” at nagtangkang magpakita ng awtoridad sa isang sasakyan ng Kongreso sa Congressional Avenue.

Nahaharap ang suspek sa mga kasong robbery, paglabag sa 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at usurpation of authority sa Quezon City Prosecutor’s Office.