‘Pinas hihirit na ibaba sa 10% ang bagong US tariff

43 Views

Hihilingin ng Pilipinas sa Estados Unidos na ibaba sa 10 porsiyento ang bagong taripa na ipinataw sa ilang produktong iniluluwas ng bansa.

Ayon kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, target ng pamahalaan na mapababa pa ang 12.5 porsiyentong tariff na ipinatupad ng U.S. sa mga produktong Pilipino dahil umano sa kabiguang pigilan ang pagpasok ng mga produktong gawa gamit ang forced labor.

“We will look to lowering it to at least 10 percent,” ani Romualdez.

Sinabi niyang tuloy-tuloy ang pakikipag-usap ng Pilipinas sa U.S., at iginiit na mas mababa pa rin ang bagong 12.5 porsiyentong taripa kumpara sa dating 19 porsiyento na kalaunan ay ibinasura ng U.S. Supreme Court.

Dagdag pa ng embahador, makikipagnegosasyon ang Pilipinas batay sa pangakong aalisin sa listahan ng mga iniluluwas na produkto ang anumang mapatutunayang may kaugnayan sa child labor.

Pinamumunuan ni Trade Undersecretary Allan Gepty ang negotiating team ng Pilipinas.

Nauna nang inanunsyo ng Office of the United States Trade Representative (USTR) ang pagpapataw ng bagong taripa sa 60 ekonomiya, kabilang ang Pilipinas, dahil umano sa hindi epektibong pagpapatupad ng pagbabawal sa pag-aangkat ng mga produktong gawa sa pamamagitan ng forced labor.