Calendar
P’sinan, La Union fishers suportado ang tindig ng gobyerno sa WPS
Nagpahayag ng suporta ang mga mangingisda at opisyal ng Pangasinan at La Union sa patuloy na paninindigan ng pamahalaan sa usapin ng West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Edgar Sison, chairperson ng Lingayen Municipal Agricultural and Fisheries Council, mahalaga ang ginagawang hakbang ng pamahalaan dahil direktang naaapektuhan ng isyu ang kabuhayan ng mga mangingisda sa mga baybaying lugar.
Aniya, ipinakita rin sa idinaos na “Bayanihan para sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas 2026” Summit sa Pangasinan ang pagkakaisa ng mga lalawigan sa pagtatanggol sa karapatan ng bansa sa WPS.
“Maliit man ang Pilipinas kumpara sa China, pero kung nagkakaisa tayo, ipinapakita nating seryoso tayong ipaglaban ang West Philippine Sea,” ani Sison.
Hiniling din niya ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa mga mangingisda sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga bangka, lambat at iba pang kagamitang pangkabuhayan sa tulong ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Samantala, sinabi ni La Union Gov. Mario Eduardo Ortega na suportado niya ang paraan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagharap sa isyu.
“We are not budging, we are not bowing down, but we are also not the ones initiating the violence,” ani Ortega.
Dumalo sa summit ang mga opisyal mula sa Pangasinan, La Union, Batanes, Zambales, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Palawan, Bataan at Oriental Mindoro kasabay ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng 2016 Arbitral Award sa South China Sea Arbitration.
