Calendar
Ang testigo ng prosecution na si Roderick Wamil, dating nakatalaga sa COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO).
Kuha ni JOSEPH MUEGO
Pinatunayan ni VP Sara na kinakailangan, naaayon sa batas kinukuwestiyong P375-M cash advances — Wamil
PERSONAL na pinatunayan ni Vice President Sara Z. Duterte na ang kinukuwestiyong P375 milyong confidential fund cash advances para sa unang tatlong quarter ng 2023 ay kinakailangan, naaayon sa batas, at isinagawa sa ilalim ng kanyang direktang pangangasiwa, ayon sa testimonya nitong Martes ng isang state auditor ng Commission on Audit (COA).
Kinilala ni Roderick Wamil, dating nakatalaga sa COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO), ang mga lagda ni Duterte sa mga disbursement voucher, liquidation report, accomplishment report, at mga sertipikasyong isinumite ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Wamil, ang tatlong disbursement voucher ay tumutukoy sa tig-P125 milyong cash advance para sa una, ikalawa, at ikatlong quarter ng 2023.
Ipinaliwanag niya na ang mga disbursement voucher ang nagsisimula sa proseso ng pag-withdraw ng confidential funds ng OVP.
Sinabi ni Wamil na nakalagay ang lagda ni Duterte sa ibaba ng isang sertipikasyong nagsasaad na ang mga gastusin at cash advances ay “kinakailangan, naaayon sa batas, at isinagawa sa ilalim ng aking direktang pangangasiwa.”
“Sinertipikahan ni Vice President na ang kanyang cash advances ay kinakailangan, naaayon sa batas, at isinagawa sa ilalim ng kanyang direktang pangangasiwa,” ani Wamil sa kanyang direktang pagtestigo sa pagtatanong ni private prosecutor Lorna Kapunan.
Ayon kay Wamil, nakilala niya ang lagda ni Duterte dahil ang OVP mismo ang nagsumite ng specimen signature nito sa ICFAO.
Kinilala rin niya ang lagda ni Duterte sa tatlong liquidation report na nagpapatunay na ang “layunin ng cash advance” ay “ganap na naisakatuparan.”
“Sinertipikahan ni Vice President na ang layunin ng kanilang cash advances ay naisakatuparan ng ahensya,” ani Wamil.
Saklaw ng mga liquidation report ang mga panahong Pebrero 6 hanggang Marso 29, Abril 25 hanggang Hunyo 30, at Hulyo 14 hanggang Setyembre 30, 2023.
Tumestigo rin si Wamil na tumanggap ang OVP ng nakapirming P125 milyong cash advance sa bawat quarter at buong halaga itong na-withdraw sa bawat pagkakataon.
Kinilala rin niya ang lagda ni Duterte sa pag-apruba sa mga kaukulang quarterly accomplishment report.
Nakasaad sa mga ulat ang mga gastusin para sa medical at food assistance, mga insentibo o travel expenses na may kaugnayan sa confidential operations, at mga reward payment.
Ayon kay Wamil, ilan sa mga naturang gastusin ay hindi kabilang sa mga pinahihintulutang paggagamitan ng confidential funds sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01, na nagtatakda ng mga alituntunin sa paggamit at pag-audit ng confidential at intelligence funds.
Aniya, nakasaad sa accomplishment reports para sa una at ikalawang quarter ang kabuuang P82 milyon para sa medical at food assistance at P20 milyon para sa incentives o travel-related expenses.
Nakapaloob din sa mga ulat ang P15 milyong reward payments para sa unang quarter at P12 milyon para sa ikalawang quarter.
Para naman sa ikatlong quarter, sinabi ni Wamil na iniulat ng OVP ang P35 milyon bilang reward payments.
Tumestigo rin siya na nabigo ang OVP na magsumite ng mga dokumentong magpapatunay na ang mga reward payment ay nagresulta sa matagumpay na information-gathering o surveillance activities, gaya ng itinatadhana sa Joint Circular.
Kinilala rin ni Wamil ang magkakahiwalay na mga sertipikasyong nilagdaan ni Duterte na nagpapatunay sa nilalaman ng mga isinumiteng dokumento ng OVP.
Ayon sa kanya, ang mga sertipikasyong ito ay nakabatay sa standard form na kalakip ng Joint Circular.
Tumestigo si Wamil habang ipinagpapatuloy ng House prosecution panel ang paghaharap ng ebidensya sa ilalim ng Article I ng impeachment case laban kay Vice President Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds.

