Bucoy

Wala nang kredibilidad Bonoan, “maleta boys” bilang testigo ng Ombudsman – public interest lawyer

50 Views

WALA nang kredibilidad bilang mga testigo ng Office of the Ombudsman sa isyu ng umano’y flood control scam sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan at ang tinaguriang “maleta boys,” ayon sa isang public interest at human rights lawyer.

Sa panayam sa dzBB nitong Martes, sinabi ni Atty. Antonio Zoleta Bucoy na batay sa testimonya ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, na kinuha ng Ombudsman bilang state witness, umano’y tumanggap si Bonoan ng 15 porsiyentong ‘kickback’ mula sa mga flood control project.

“Ayon kay Usec. Bernardo, si Secretary Bonoan ay tumanggap ng 15 porsiyentong kickback,” ani Bucoy.

Dahil dito, sinabi ni Bucoy hindi maaaring maging state witness si Bonoan.

“Paano siya magiging state witness? Wala na siyang kredibilidad,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Bucoy na isa sa pangunahing rekisito upang maging state witness ay hindi siya ang may pinakamabigat na pananagutan sa kasong iniimbestigahan.

“Siya ang nangasiwa sa pondo, nagpatupad ng bidding, naggawad ng mga kontrata sa mga contractor, at nagbigay ng awtorisasyon sa pagpapalabas ng bayad sa mga kontratista,” ani Bucoy.

Samantala, sinabi rin ni Bucoy na ang mga testimonya ng tinatawag na “maleta boys”—na tumutukoy sa mga dating aide ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co—ay matagal nang kinuwestiyon at ibinasura mismo ng Office of the Ombudsman dahil sa kawalan umano ng kredibilidad.

“Tinuligsa na mismo ng Ombudsman ang mga ‘maleta boys’ at sinabi nitong minamanipula nila ang katotohanan at nilalaro ang timeline,” ani Bucoy.

Dagdag pa niya, nagpakita umano ang mga ito ng larawan ng mga “maleta” na sinasabing naglalaman ng salaping nakalaan sa mga mambabatas. Gayunman, lumabas na ang naturang larawan ay kuha pa noong panahon ni dating House Speaker Lord Allan Velasco at hindi noong termino ni Speaker Martin Romualdez.

“May inilakip silang larawan ng mga maleta na sinasabi nilang puno ng salapi. Ngunit nang siyasatin, lumabas na kuha iyon noong panahon pa ni dating Speaker Lord Allan Velasco at hindi sa panahon ni Speaker Martin Romualdez,” diin niya.

Ayon pa kay Bucoy, hindi lamang ang Ombudsman ang kumuwestiyon sa mga pahayag ng mga dating aide ni Co, kundi maging ang Senate Blue Ribbon Committee at ang National Bureau of Investigation (NBI).

“Pinabulaanan ito ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla. Pinabulaanan din ito ng Blue Ribbon Committee at ng NBI matapos ang kanilang imbestigasyon, dahil ayon sa NBI ay may mga alegasyon pa ng panunuhol na kinasasangkutan ng mga ‘maleta boys,'” aniya.

Inihalintulad ni Bucoy ang kanilang mga testimonya sa “pagpag” o pagkaing itinapon na ngunit muling pinulot at inihain.

“Ito ay parang pagpag—pagkaing itinapon na, muling pinulot, niluto at inihain muli. Dagdag-bawas ang kanilang mga alegasyon; depende sa kanilang nais na naratibo, may idinadagdag silang mga pangalan ng umano’y tumanggap ng maleta at mayroon ding inaalis,” pagtatapos ni Bucoy.