Eala

Speaker Dy: Alex Eala pinagmamalaki, pinasaya milyon-milyong Pilipino

78 Views

BINATI ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III nitong Martes ang Filipinang tennis star na si Alex Eala matapos nitong masungkit ang kanyang unang titulo sa WTA Tour.

Ayon kay Dy, ang makasaysayang tagumpay ni Eala ay bunga ng maraming taon ng pagsisikap, sakripisyo, at dedikasyon na nagbigay ng pagmamalaki at kasiyahan sa milyun-milyong Pilipino.

Sa isang social media post, pinuri ni Dy si Eala bilang kauna-unahang Filipina na nagkampeon sa isang WTA Tour singles event.

Aniya, ang tagumpay na ito ay isang mahalagang yugto hindi lamang para sa Philippine tennis kundi para sa buong bansa.

“Ang sarap ng pakiramdam na makita kang manalo, Alex,” ani ng Speaker.

“Ang mga taon ng pawis at sakripisyo ay nagbunga ng kasaysayan—ang kauna-unahang Filipina na nanalo ng WTA title. Nakakatuwang isipin na ang pinaghirapan ng isang Pilipina ay nakapagpasaya sa milyun-milyong Pilipino.”

Ayon pa kay Speaker Dy, ang tagumpay ni Eala ay patunay na ang tiyaga, disiplina, at dedikasyon sa kahusayan ay may magandang kapalit. Dagdag niya, ang naging paglalakbay ni Eala ay nagsisilbing inspirasyon sa kabataang Pilipino upang ipagpatuloy ang kanilang mga pangarap sa kabila ng anumang pagsubok.

“Binabati kita sa iyong unang WTA title. Ipinagmamalaki ka ng bawat Pilipino sa tuwing lumalaban ka sa loob ng court. Maraming salamat,” dagdag pa niya.

Nakamit ni Eala ang kampeonato matapos ang isang kahanga-hangang kampanya sa Mubadala Citi DC Open sa Washington. Tinalo niya ang kasalukuyang Olympic champion na si Qinwen Zheng, defending champion na si Leylah Fernandez, second seed na si Elina Svitolina, at apat na beses na Grand Slam champion na si Naomi Osaka bago makarating sa finals.

Sa laban para sa kampeonato, nakabangon si Eala mula sa pagkatalo sa unang set upang talunin ang World No. 3 at top seed na si Jessica Pegula, 4-6, 6-4, 6-0, at masungkit ang kanyang kauna-unahang WTA Tour singles title.

Dahil sa panalong ito, inaasahang aangat ang 21-anyos na Filipina sa career-high na World No. 20 sa WTA rankings.