Calendar
Pinoy scientists makatutulong sa pagbuo ng solusyon sa baha — Sen. Bam
HINIMOK ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino ang pamahalaan na isama ang mga Pilipinong siyentista sa pagbuo ng masusing solusyon laban sa pagbaha.
Iminungkahi din niyang ilaan ang pondo mula sa mga kuwestiyonableng proyekto patungo sa mga programang nakatuon sa resiliency na tunay na makapagtatanggol sa mga komunidad.
Ipinahayag niya na kinakailangan ng “integrated and scientific solution” upang malutas ang pagbaha na dulot ng kakulangan sa imprastruktura at lumalalang epekto ng climate change.
“Panahon na para gumamit ng ibang istratehiya. Let’s tap our world-class Filipino scientists and other experts in preventing flooding. Marami silang maiaambag sa pagresolba ng problemang ito,” aniya. Dagdag pa rito, iginiit ni Aquino na ang badyet ay dapat ilaan para sa climate-resilient infrastructure, mangrove reforestation, watershed rehabilitation at mahusay na urban planning.
“Sa halip na gumasta tayo ng daang-bilyong piso sa flood control projects na kadalasa’y palpak at pinagmumulan pa ng katiwalian, pondohan natin ang mga programang tiyak na magbibigay proteksiyon sa taumbayan at sa ating kinabukasan,” diin pa niya.
Bilang tugon, naghain ang senador ng resolusyon na humihikayat sa Senado na repasuhin kung paano ginamit ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang ahensya ang P360 bilyong inilaan para sa flood control sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.
Tinukoy din niya na may mga proyektong ipinatupad kahit sa mga lugar na hindi naman binabaha.
Sa kanyang resolusyon, binigyang-diin na dapat masiguro na ang mga programa ng DPWH ay “cost-effective, suitable, innovative, and efficient,” lalo na’t sa kabila ng P1.47 trilyong nailaan para sa flood control mula 2009 hanggang 2024, nananatiling suliranin ang kulang at sirang drainage system, luma at limitado ang pumping stations, at mahina ang community-based flood management.
Kasabay nito, ikinumpara rin ni Aquino ang usapin sa kakulangan ng silid-aralan. Sa isang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi niyang mas maliit ang halagang kailangan upang tugunan ang classroom backlog kaysa taunang gastusin sa flood control.
“Iyong kakulangan sa classroom ay di hamak maliit pa sa flood control budget ng taong ito… mas maliit pa iyon kaysa sa buong flood control budget ng isang taon,” aniya.
Dagdag pa niya, “Iyong P350 billion or P500 billion na binibigay sa flood control, mas malaki pa iyon sa kailangan natin sa lahat ng classroom na kakulangan sa ating bansa.”

