Calendar
Transparent na imbestigasyon sa isyu ng flood control projects tiniyak ng Kongreso

TINIYAK ng mga lider ng Kamara de Representantes na magiging transparent at patas ang isasagawa nitong imbestigasyon kaugnay ng umano’y korapsyon, pag-aaksaya, at substandard na implementasyon ng mga flood control projects.
Tugon ito sa matibay na direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “even a whiff of corruption or abuse of power must not be ignored.”
“Kapag buhay ng tao ang nakataya, bawal ang palusot. Bawal ang palakasan,” ani Deputy Speaker Paolo Ortega. “Every peso we lose to corruption is a life left at risk when floods hit. This investigation is not about politics—it’s about justice.”
Pinagtibay ng Kamara kamakailan ang House Resolution No. 145 upang magsagawa ng joint investigation ang tatlong komite ng Kamara— ang Public Accounts, Public Works and Highways, at Good Government and Public Accountability— sa maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Batay sa mga paunang ulat, mahigit ₱500 bilyon ang nailaan mula 2022, ngunit maraming komunidad sa Metro Manila at sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang patuloy na nalulubog tuwing malakas ang ulan. Sa Malabon at Navotas, nananatiling hindi pa rin naayos hanggang ngayon ang isang floodgate na nasira noong 2024—kahit nakalista itong “completed.”
“Pumapasok ang tubig sa bahay pero ‘di makita ang proyektong pinondohan. Saan napunta ang pondo?” tanong ni Ortega. “We owe the public clear answers.”
Binigyang-diin ni Deputy Speaker Jay Khonghun na ibabatay ang imbestigasyon sa ebidensya at due process, ngunit tiniyak niya sa publiko na hindi ito mawawlan ng ngipin.
“Hindi ito witch hunt. Pero hindi rin ito palabas,” ani Khonghun. “Those who were entrusted with the people’s money—whether in government or the private sector—must explain. And if wrongdoing is proven, they must face consequences.”
“’Wag nating hayaang malunod sa baha ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno. Kailangang may managot,” dagdag niya.
Layunin din ng imbestigasyon na magsilbing pundasyon para sa mga reporma sa batas upang matigil na ang pang-aabuso sa pondo ng imprastruktura. Kabilang sa mga tinitingnang panukala ang mas mahigpit na safeguards sa procurement, mas mahusay na project tracking system, at real-time transparency tools.
“Hindi sapat na magalit tayo tuwing bumabaha. Kailangan nating baguhin ang sistema para hindi na ito maulit,” diin ni Ortega. “This is not just about punishing the guilty—it’s about protecting the innocent.”
Giit ng mga mambabatas, kailangang maibalik ang tiwala ng publiko at patunayan na sa Bagong Pilipinas, hindi maaaring walang pananagutan.
“Walang sagrado. Walang untouchable. Kapag may sablay, dapat may panagot,” deklarasyon ni Khonghun.
Binigyang-diin ng Kamara na hindi lang karapatan ng sambayanang Pilipino ang isang imprastraktura—hindi lamang sa papel—ngunit isang gumaganang flood control system na nagpoprotekta ng buhay, kabuhayan, at dangal.
“Hindi ‘yan pondo ng kung sino-sino. Pondo ‘yan ng mamamayan. At bawat sentimo dapat may pakinabang,” pagtatapos ni Ortega.

