Sen. Risa Hontiveros Sen. Risa Hontiveros

Hontiveros itinalagang Minority Floor Leader ng CA

307 Views

ITINALAGA si Senador Risa Hontiveros bilang Minority Floor Leader ng Commission on Appointments (CA), na lalong nagpapatibay sa kanyang papel bilang lider ng oposisyon sa ika-20 Kongreso at nagbibigay ng mas matibay na boses sa mga deliberasyon ng nasabing konstitusyonal na lupon.

Ipinatupad ang kanyang pagkakahalal sa kauna-unahang plenary session ng CA. Matapos ang nominasyon mula kay Senate Deputy Minority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri, nanumpa siya sa tungkulin sa harap ni CA Chairman at Senate President Francis “Chiz” Escudero.

“Malaking karangalan po na maihalal ng ating mga kasamahan na maging pinuno ng minorya sa Commission on Appointments. We will work hard to ensure that the CA conscientiously fulfills its mandate in confirming or rejecting key appointments by the President,” ani Hontiveros.

Iginiit din niya ang kahalagahan ng patas at makabayang pamantayan sa proseso ng kumpirmasyon.

“Pagsisikapan natin na tanging ang mga indibidwal na may sapat na kwalipikasyon at pagmamahal sa bayan ang makakalusot sa proseso ng CA confirmation,” dagdag niya.

Ang CA ay may tungkuling tiyakin ang pagiging kuwalipikado ng mga itinalaga ng Pangulo sa matataas na posisyon sa gobyerno—kabilang ang mga kalihim ng kagawaran, ambassador, public ministers at consuls, gayundin ang mga opisyal ng sandatahang lakas mula sa ranggong colonel o naval captain pataas.

Binubuo ito ng piling mga mambabatas mula sa Senado at Kamara de Representantes at nagsisilbing pangunahing tagapagsuri ng kapangyarihang tagapagpaganap.

Ang pag-upo ni Hontiveros sa posisyong ito ay nagpapahiwatig ng pagpupunyagi ng minorya na tiyaking ang mga kumpirmasyon ay dumaraan sa masusing pagsusuri batay sa integridad, kakayahan at transparency.