Pangilinan Sen. Francis “Kiko” Pangilinan

Planong gawing ‘nature reserve’ ang Panatag Shoal labag sa batas – Sen. Kiko

404 Views

KINONDENA ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang umano’y plano ng China na ideklarang “nature reserve” ang Panatag Shoal o Scarborough Shoal, na tinawag niyang labag sa batas at isang pagkukunwari dahil sa pagkasira ng kalikasan na idinulot ng Beijing sa lugar.

“Una, hindi inyo ‘yan,” diin ni Pangilinan, na nagpaliwanag na malinaw na sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas ang shoal alinsunod sa lokal at internasyonal na batas.

Giit niya, nasa 124 nautical miles o 220 kilometro (km) lamang ang layo ng shoal mula Zambales, samantalang ang pinakamalapit na baybayin ng China sa Hainan ay halos 472 nautical miles o 875 km.

Tinawag ng senador na “illegal” ang pagkontrol ng China sa shoal mula 2012. Aniya, mga sasakyang-dagat ng China ang diumano’y sumisira sa mga coral reef sa pamamagitan ng pagkuha ng endangered na giant clams gamit ang mapaminsalang paraan.

“Kayo ang sumisira ng kalikasan d’yan,” aniya. “Para makuha ang mga tulya, sinisira at dinudurog n’yo ang mga coral reef ng Panatag Shoal.”

Binalaan din niya ang masamang epekto ng dredging, reclamation at operasyon ng research vessels na, ayon sa kanya, ay nakakaistorbo sa marine life at nagpapalawak pa ng okupadong bahagi.

“Nagpapalawak din kayo ng sinasakop, at nagdi-dredging at reclamation sa ilang features na malapit sa shoal… binubulabog din ang mga sensitibong tirahan ng marine life,” dagdag niya.

Ayon kay Pangilinan, ang pinsalang ekolohikal na dulot umano ng mga aktibidad ng China sa loob ng EEZ ng Pilipinas ay umaabot sa bilyun-bilyong piso bawat taon.

“Sa tantiya namin, ang pinsala sa mga marine ecosystem sa aming EEZ bunga ng galawan ng China ay umaabot sa bilyun-bilyong piso taon-taon,” wika niya.

Sa diretsong mensahe sa Beijing, sinabi ni Pangilinan: “Kaya bilang may-ari ng Panatag Shoal, eto ang mensahe natin sa China: Alis dyan!”