PNP, BJMP, BFP personnel retirement dapat 57–Lacson

40 Views

NAGHAIN si Sen. Panfilo “Ping” Lacson ng dalawang panukalang batas na naglalayong itaas mula 56 sa 57 ang compulsory retirement age ng uniformed personnel ng Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Fire Protection.

Saklaw ng Senate Bill No. 2395 ang uniformed personnel ng PNP, habang ang Senate Bill No. 2396 ay nagmumungkahi ng kaparehong compulsory retirement age para sa mga tauhan ng BJMP at BFP.

Ang dagdag na isang taon sa serbisyo ay magbibigay sa tatlong ahensya ng mas mahabang panahon upang mapakinabangan ang karanasan at institutional knowledge ng kanilang senior personnel at maipasa ang kanilang kaalaman at kasanayan sa mga nakababatang opisyal.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2395, ang mga PNP uniformed personnel na wala pang isang taon sa serbisyo sa oras na maging epektibo ang panukala ay maaaring piliing magretiro sa edad na 56.

Mananatili namang 56 ang compulsory retirement age ng kasalukuyang PNP chief.

Nakasaad din sa panukala na maaaring pahintulutan ng komisyon ang isang opisyal na may ranggong chief superintendent, director o deputy director general na manatili sa serbisyo nang isang karagdagang taon na hindi na maaaring palawigin.

Nakaayon ang mga panukalang pagbabago sa adjustment sa compulsory retirement age ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines.

Binanggit din ni Lacson, na nagsilbing PNP chief mula 1999 hanggang 2001, na kasalukuyang may 230,410 uniformed personnel ang PNP.