Calendar
PNP, PDEA iniimbestigahan ulat na P5.8B na nasamsam sa Laos, Thailang papuntang PH
INIIMBESTIGAHAN ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga ulat na halos P5.8 bilyong halaga ng shabu na nasamsam ng mga awtoridad sa Laos at Thailand ngayong linggo ay nakatakdang dalhin sa Maynila.
“Ang ating PNP Drug Enforcement Group ay nakikipag-ugnayan sa PDEA upang imbestigahan ang mga naiulat na pahayag na nakatakdang dalhin sa Maynila ang mga droga. Gayunman, kung totoo man ang mga ulat na ito, ikinatutuwa natin na napigilan ng ating mga dayuhang katapat ang malalaking tangkang pagpupuslit ng droga,” pahayag ni PNP spokesperson Colonel Allen Rae F. Co.
Ayon sa opisyal, bineberipika ng PNP-DEG sa pamamagitan ng mga tamang opisyal na daluyan ang dalawang ulat, katuwang ang kanilang mga katapat sa Laos, Malaysia at Thailand.
Isa sa mga ulat ay ang pagkakaaresto sa isang Pilipinong pasahero kaugnay ng pagkakasamsam ng 521 kilo ng hinihinalang shabu sa loob ng isang pribadong Learjet sa Laos. Tinatayang nagkakahalaga ng P3.542 bilyon ang mga nakumpiskang droga.
Sinabi ni Col. Co na nakatanggap na sila ng mga ulat tungkol sa insidente, ngunit kakailanganin pa nilang suriin ang mga ebidensiya, gaya ng manifest ng eroplano at flight plan, bago makapagpasya kung talagang nakatakdang dalhin sa Maynila ang mga droga.
“Kailangan nating tingnan ang manifest at ang flight plan. Makakatulong ang mga ito sa imbestigasyon,” aniya.
Sinabi rin niya na ganoon din ang kanilang gagawin kaugnay ng ulat tungkol sa pagkakasamsam ng mahigit isang toneladang shabu mula sa isang bangka sa Gulf of Thailand. Ayon sa mga ulat, patungo umano sa Pilipinas ang bangka.
Anim na Thai na tripulante, kabilang ang kapitan ng bangka, ang inaresto ng mga awtoridad ng pulisya sa Thailand matapos makatanggap ng impormasyon na sangkot sila sa mga aktibidad ng pandaigdigang kalakalan ng ilegal na droga.
Iniulat na kinuha ng mga tripulante ang mga droga sa lalawigan ng Songkhla.
“Hindi namin sinasabing hindi totoo ang mga ulat, pero hindi pa natin matitiyak na dito talaga patungo ang mga droga. Gayunman, labis tayong natutuwa na nasamsam ng ating mga dayuhang katapat ang mga droga bago pa maipuslit ang mga ito sa ating bansa,” pahayag ni Col. Co.

