Calendar
PNP tiniyak ‘fair, impartial’ na imbestigasyon sa pulis na inakusang nang-rape ng misis ng iba
PINAGTIBAY muli ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na pinangungunahan ni Lieutenant Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. nitong Miyerkules ang kanilang pangako na protektahan ang mga biktima ng pang-aabuso at tiyakin ang pananagutan sa kanilang hanay, matapos akusahan ang isang pulis Maynila ng paglalasing at panggagahasa sa isang may-asawang babae sa loob ng isang motel noong nakaraang buwan.
Sinabi rin ng pinakamataas na opisyal ng PNP na makikipagtulungan sila nang lubos sa National Police Commission (Napolcom) na nagsimula ng imbestigasyong administratibo kaugnay ng umano’y kaso ng panggagahasa.
Noong Martes, nakipagkita si Nartatez sa babae at sa kanyang asawa sa Camp Crame upang personal na pakinggan ang kanilang mga hinaing at muling ipahayag ang layunin ng institusyon na magsagawa ng patas at walang kinikilingang imbestigasyon hinggil sa paratang laban sa isang tauhan ng PNP.
Kasama ng mag-asawa si Volunteer Against Crime and Corruption (VACC) Chairman Arsenio “Boy” Evangelista.
Batay sa paunang ulat, naganap ang umano’y insidente ng panggagahasa noong unang bahagi ng Disyembre nang imbitahan ng akusado ang babae sa isang salu-salo kasama ang mga kaibigan. Iniulat na kaibigan ng mag-asawa ang pulis na naging suspek.
Habang nag-iinuman sa isang bar sa Quezon City, sinabi ng babae na nawalan siya ng malay matapos painumin ng inuming maaaring hinaluan ng pampatulog.
Makikita sa CCTV footage mula sa bar sa Quezon City ang walang malay na babae na isinakay sa sasakyang sinasabing pag-aari ng suspek.
Sa pagsusuri ng CCTV recordings ng motel sa Manila, makikita ang akusado na buhat ang walang malay na babae papasok sa establisyemento bago tulungan ng isang staff na dalhin ang biktima sa isang kuwarto.
Ayon sa babae, nang siya ay magkamalay, natuklasan niyang siya ay ginahasa kaya sinubukan niyang tumakas mula sa motel.
Humingi siya ng tulong sa pulisya at nagsampa ng pormal na reklamo para sa paglabag sa anti-rape law laban sa suspek sa tanggapan ng piskal sa Manila.
Binigyang-diin ng pamunuan ng PNP na ang kanilang aksyon ay kasabay ng imbestigasyong isinasagawa ng Napolcom, na nagpapakita ng pangako ng institusyon na suportahan ang mga awtoridad upang matiyak ang hustisya para sa biktima.
“Our foremost priority is the welfare of the victim. We will conduct a thorough and impartial investigation to uncover the truth, help the victim, and ensure that justice is served,” pahayag ni Nartatez.
“The PNP has zero tolerance for any personnel involved in misconduct or criminal acts. Hindi papayag ang PNP na may lalabag sa batas at sa tiwala ng publiko; sisiguraduhin namin na mananagot ang sinumang sangkot,” dagdag niya.
Tiniyak ni Nartatez sa publiko na isinasagawa ang lahat ng kinakailangang hakbang upang magbigay ng suporta sa biktima at sa kanyang pamilya, habang pinapanatili ang integridad ng imbestigasyon.
Nananatiling matatag ang institusyon sa pagpapatupad ng polisiya ng pananagutan at etikal na pag-uugali sa hanay ng kanilang mga tauhan, dagdag pa niya.

