ALS Source: DepEd file photo

Pondo para sa ALS, mag-aaral na may kapansanan tiniyak

215 Views

TINIYAK ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian na may nakalaang pondo sa panukalang 2026 General Appropriations Act (GAA) para sa Alternative Learning System (ALS) at sa mga mag-aaral na may kapansanan bilang bahagi ng pagpapatuloy ng inclusive education programs ng pamahalaan.

Sa ilalim ng 2026 national budget, may kabuuang ₱4.917 bilyon na inilaan para sa Flexible Learning Options. Kabilang dito ang ₱897 milyon para sa ALS at ₱400.67 milyon para sa Alternative Delivery Mode (ADM). Mayroon ding ₱3.62 bilyon na inilaan para sa mga learning resources na gagamitin sa ALS at ADM.

Naglaan din ang badyet ng ₱56 milyon mula sa Basic Education Facilities Program para sa pagtatayo ng mga ALS Community Learning Centers (CLCs). Ayon sa plano, bibigyang-prayoridad ang mga lugar na may limitadong access sa pormal na edukasyon, may mataas na bilang ng out-of-school children, at mga nakatatandang kulang sa basic literacy skills o nahinto sa pag-aaral.

Para naman sa mga mag-aaral na may kapansanan, ₱1.04 bilyon ang inilaan para sa Special Needs Education Program. Kasama rito ang ₱209 milyon para sa pagtatatag ng Inclusive Learning Resource Centers (ILRCs) sa iba’t ibang panig ng bansa o sa pag-convert ng mga umiiral na Special Education centers bilang ILRCs. Mayroon ding ₱100 milyon na nakalaan para sa mga aklat at iba pang instructional materials para sa learners with disabilities.

“Sa 2026 budget, malinaw ang ating paninindigan sa inclusive education. Walang ALS learner o learner with disability ang maiiwan,” ani Gatchalian.

Batay sa datos ng sektor ng edukasyon, patuloy na nagsisilbi ang ALS sa mga out-of-school youth at adult learners, habang ang mga programang pang-inclusive education ay nakatuon sa pagpapalawak ng access at suporta sa pagkatuto para sa persons with disabilities sa mga pampublikong paaralan.