Lacson Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson Kuha ni JOSEPH MUEGO

Sagot ni Lacson sa paratang ni Imee: Hindi ako bakla

171 Views

HINDI ako bakla, hindi rin peke ang buhok ko.”

Ito ang tugon at nilinaw ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, na chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee, sa mga pahayag na diumano’y binanggit ni Sen. Imee Marcos na siya ay “fake” o “not manly,” sa Kapihan sa Senado sa Pasay City nitong Miyerkules.

Sinabi rin ni Lacson na susuriin ng Senate Blue Ribbon Committee ang “Cabral files” kapag nagpatuloy ang pagdinig sa Lunes.

“Una, hindi po peluka ang aking buhok. Idugtong ko na rin na walang peke sa mukha ko,” sinabi ni Lacson. “Hindi rin pustiso ang ngipin ko. My teeth are all mine. Ulitin ko, walang peke sa anumang bahagi ng aking mukha.”

“Pangalawa, lalong hindi ako bakla. At kung iniisip ni Senator Imee na bakla ako, wala siyang maaaring makita na macho dito sa mundo,” dagdag ni Lacson.

Binigyang-diin ng senador, na kilala sa kanyang disiplina at pagiging prangka, na iginagalang niya ang mga miyembro ng LGBTQ+ community ngunit walang lugar ang personal na insulto sa pampublikong diskurso.

“It is their choice and I respect them for that. But as far as I’m concerned, kahit hindi ako kaguwapuhan, para sa akin masarap pa rin na maging tunay na lalaki,” ani Lacson. “At tulad ni Senator Vicente ‘Tito’ Sotto at Senator Gringo Honasan, macho din po ako, lalaking lalaki. Period.”

Sa gitna ng palitan ng salita, ibinunyag ni Lacson ang bagong natuklasan ng Senate Blue Ribbon Committee mula sa imbestigasyon nito sa mga flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sinabi niyang natuklasan ng kanyang team ang malalaking iregularidad sa mga tala ng proyekto — kabilang ang hindi bababa sa 421 na umano’y “ghost projects.”

“This resulted in grossly inaccurate data involving some 421 ghost projects on previously inspected flood control projects earlier reported to the public by the said department,” pahayag ni Lacson, na tumutukoy sa mga discrepancy sa datos na naka-upload sa Sumbong sa Pangulo website at sa DPWH Project and Contract Management Application (PCMA).

Dagdag pa niya, maglalabas ang komite ng subpoena duces tecum para kay DPWH Secretary Vince Dizon upang makuha ang opisyal na rekord at ang tinatawag na “Cabral files,” na naglalaman ng mga dokumentong iniwan ng yumaong DPWH Undersecretary Dr. Maria Catalina Cabral.

“We will continue with the Blue Ribbon Committee hearings to further clarify some issues surrounding the flood control anomalies,” aniya. “Nag-usap na kami ni Secretary Vince Dizon tungkol dito last Monday at kung ano-ano mga files at dokumento ang kailangan namin.”

Sinabi ni Lacson na kung mapapatunayan, maaaring maiugnay ang mga anomalyang ito sa ilang personalidad.

“Only evidence does,” giit niya. “Kaya kung meron siyang maiaambag na ebidensiya para madiin ang kanyang pinsan, sumali siya sa pagdinig. Walang pipigil sa kanya at walang magbabawal sa sasabihin niya o gagawin niya.”

Imee nilinaw ang pahayag

Nilinaw naman ni Marcos na mali ang pagbasa sa kanyang mga pahayag kaugnay ng naging palitan nila ng salita ni Lacson, at iginiit na walang anumang pondong nailabas sa kanya o sa iba pang mga senador ng oposisyon kaugnay ng mga tinatawag na “wish list.”

Sa pahayag na may petsang Enero 11, sinabi ni Marcos na ang mga proyektong binabanggit ay pawang mga kahilingang isinumite lamang sa DPWH Central Office at nanatiling hindi napopondohan.

Ayon kay Marcos, lahat ng kahilingan ng mga senador ng oposisyon ay tinatakan bilang “FLR” o “for later release,” dahilan upang walang kahit isang proyekto ang mabigyan ng pondo.

“Clueless ba siya na kaming mga oposisyon lahat FLR or ‘for later release’ kaya ni isa diyan ay walang naibigay, zero kaming lahat,” ani Marcos, na idinagdag na kabilang dito sina Senador Bong Go, Ronald “Bato” dela Rosa at Robin Padilla.

Iginiit din ni Marcos na wala siyang kinalaman sa pagpapasya kung aling mga pondo ang ilalabas ng administrasyon.

“At malay ko ba sa allocables ng admin, sa aming dalawa, hindi ako ang abogado ng Malacañang,” aniya.

Sa hiwalay na pahayag ng Enero 14, tumugon si Marcos sa mga batikos sa kanyang sinabi tungkol sa pagkalalaki, at itinanggi na tinawag niyang bakla si Lacson.

“Hindi ko naman sinabihang bakla siya, pero napakababaw pala ng kahulugan niya sa kung ano ang ibig sabihin ng tunay na lalaki,” ani Marcos.

Binigyang-diin din niya na walang masama sa pagiging bakla o sa mga personal na desisyon kaugnay ng pisikal na anyo.

“Walang masama sa pagiging bakla, at ganoon din sa pagpapaganda o pagpa-enhance ng kahit ano para sa sarili mo,” aniya.

Dagdag pa ni Marcos, personal na desisyon ng bawat isa ang anumang pagbabago sa sarili, kabilang ang mga hakbang na maaaring makaapekto sa imahe at reputasyon ng isang tao.

“Desisyon ng tao kung gusto niyang magpagawa ng kahit ano sa sarili niya. Desisyon niya rin kung gusto niyang sirain ang mukha, pangalan at dignidad niya,” aniya.

Tinapos ni Marcos ang kanyang pahayag sa pagsasabing ang usapin ay nauuwi na lamang sa tanong na “magkano,” na ayon sa kanya ay lumilihis sa mas mahahalagang isyu.

Nag-ugat ang palitan ng pahayag sa mga naunang komento ni Lacson hinggil sa umano’y mga kahilingan at asal ni Marcos, na mariin niyang itinanggi.