Festival

Pormal na binuksan Ana Kalang Lanzones Festival

Gil Aman Oct 7, 2026
292 Views

NAGCARLAN, LAGUNA — Pormal na binuksan ang pagdiriwang ng Ana Kalang Lanzones Festival, Miyerkules, Oktubre 7 sa pamamagitan ng isang panimulang programa.

Isinagawa din ang isa sa mga tradisyon ng mga Nagcarleño — ang sabayang pagtagay ng Lambanog, isa sa mga tampok na produkto ng bayan. Ito ay naging hudyat ng pormal na pagbubukas ng pagdiriwang.

Dumalo sa programa ang kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan at ni Gob. Sol Aragones na si LYP Chairman Doland Castro at malugod siyang sinalubong ng mga opisyales ng bayan ng Nagcarlan kabilang ang Punongbayan ng Nagcarlan, Elmor Vita.

Ayon kay Castro, “Si Gob. Sol at ang Pamahalaang Panlalawigan ay laging nakasuporta at kaisa ng mga pagdiriwang sa buong lalawigan — dahil sa mga aktibidad na ito mas napauunlad natin ang turismo, kultura, at ang kabuuan ng isang bayan”. Dagdag pa niya, “Ang Ana Kalang ay ipinagmamalaki natin dahil ito ay nagpapatunay lamang na ang bayan ng Nagcarlan at ang lalawigan ay puno ng kasaysayan at hitik sa kaunlaran”.

Naroon din upang magbigay ng kanilang mga mensahe ng pakikiisa sa pagdiriwang si DOT IV-A Assistant Regional Director Mario Daga na kumatawan kay DOT IV-A Dir. Marites Castro.

Matapos ang program ay isinagawa naman ang pag-indak ng mga residente at kawani ng Nagcarlan mula sa iba’t ibang opisina at tanggapan sa ‘Sabayang Sayaw’ na isa rin sa mga tradisyon ng mga Nagcarleño tuwing Ana Kalang Lanzones Festival. Ang iba pang aktibidad at ang mismong pagdiriwang ay magpapatuloy hanggang Oktubre 11.