Calendar
PRO3 nalambat 10 crime suspek
CAMP OLIVAS, San Fernando, Pampanga–Naaresto ang mga pinaghahanap na mga suspek sa iba’t-ibang kaso ng mga miyembro ng Police Regional Office 3 (PRO3) noong Martes, Marso 3.
Siyam sa mga naaresto ay nahaharap sa kasong panggagahasa habang ang isa ay wanted dahil sa paglabag sa Anti-Child Pornography Act.
Sinabi ni PRO-3 director Brig. Gen. Jess Mendez na bunga ng pinaigting na manhunt na nakaayon sa nakatuong adyenda ng Philippine National Police sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagkakaaresto sa 10 suspek sa krimen.
“Ipinapakita ng tagumpay na ito ang disiplina sa operasyon at koordinasyon ng aming mga yunit sa ground.
Ang pag-aresto sa mga wanted na indibidwal ay patuloy na bahagi ng aming pangako sa kaligtasan ng publiko,” ani Mendez.
Binigyang-diin din niya na nananatiling prayoridad ang mga kasong may kinalaman sa mabibigat na krimen tulad ng panggagahasa.
Ayon sa PRO3, nakatulong ang koordinasyon ng mga Provincial at City Police Offices at mga intelligence unit sa buong Central Luzon sa pagkakahuli sa 10 suspek.
Sinabi ng regional police office na patuloy nitong palalakasin ang kanilang warrant service operations sa pamamagitan ng mas tutok na deployment, masusing case monitoring at pinahusay na ugnayan ng mga yunit bilang bahagi ng kanilang pangakong maghatid ng mabilis na serbisyo publiko.

