Estafa1 Ang mga pekeng P1,000. STEVE GOSUICO

PUBLIKO BINALAAN SA PEKENG P1K NA KUMAKALAT NGAYONG PAPALAPIT ANG PASKO SA CABANATUAN CITY

Steve A. Gosuico Nov 20, 2026
138 Views

Estafa2

Estafa
Mugshot ng babaeng suspeck mula sa Cabanatuan City PNP.
STEVE GOSUICO

CABANATUAN CITY – Binalaan ng kapulisan ang publiko sa pagkalat ng pekeng salaping papel ngayong papalapit ang Kapaskuhan matapos silang maka-aresto ng isang ginang na nahulihan ng kabuuang P13,000 pekeng pera na tig-isang libo sa Sangitan temporary public market sa Bgy. San Isidro nitong Miyerkules dito.

Upang maka-iwas sa modus na ito, ito ang ipinayo ni city police head Lt. Col. Lester P. Zafra: “Suriin po natin ang tinatanggap na pera. Tingnan at pakiramdaman mabuti ang pera at hanggat maaari gumamit ng tester o device upang masuri talaga kung tunay ito.”

Nitong Miyerkules, dakong alas otso ng umaga, dumulog si market vendor Leny Ritual, 54, ng Cecilio St., Bgy. Magsaysay Norte, ng Lungsod ng Cabanatuan sa City Enterprise Economic Management office upang agad na magreklamo na binayaran umano siya ng pekeng isang libong piso ng kostumer matapos bumili sa kanya ng isang dressed chicken.

Kasamang inimbitahan sa opisina ang babaeng suspect na bumili umano ng manok na kinilalang si alias Lyn, 35, single, housewife, ng Purok 4, Bgy. Maligaya, Science City of Muñoz.

Ayon kay Zafra, nahulihan din ang suspect ng doseng piraso ng peke umanong pera na tig-isang libong piso.

Agad na inaresto ang suspect at kinumpiska ang pekeng salaping papel mula sa kaniya samantalang iginagayak ang mga reklamong isasampa laban sa kanya.

Nahaharap ang suspect sa kasong Estafa at paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code (Illegal Possession and Use of False Treasury and Bank Notes).