Calendar
Reporma sa FDA hirit ni Bam
HUMIRIT si Sen. Bam Aquino ng mga reporma sa Food and Drug Administration (FDA) matapos malaman ng senador sa isang negosyante na limang taon niyang hinintay ang rehistro ng produktong peanut butter.
Sinabi ni Jennilyn Antonio, presidente ng Ehje’s Nutty Food Corp., na nag-apply siya noong 2019 para sa Certificate of Product Registration (CPR) ngunit 2024 na ito nailabas.
Ayon kay Antonio, paulit-ulit siyang nag-follow up ngunit wala siyang natanggap na tugon hanggang sa abutan ng pandemya ang kanyang aplikasyon.
“Sayang po iyong opportunity ng business,” anang source sa pagdinig ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship noong Setyembre 11.
Ikinuwento ni Antonio na humingi siya ng tulong sa isang kakilalang retiradong empleyado ng FDA matapos ang ilang taong paghihintay.
Hindi rin nalinaw sa pagdinig kung nanatiling kumpleto ang aplikasyon mula 2019 hanggang 2024, kung nagpadala ang FDA ng abiso tungkol sa kulang o maling dokumento o kung may panahong natigil ang pagproseso.
Ang mga reklamong inilahad tungkol sa FDA ay nakatuon sa tagal at sistema ng pagproseso, at hindi sa alegasyon ng korapsyon, ayon kay Aquino.
Ipinaliwanag ni Anne Francisco, chief operating officer ng Ferino’s Bibingka, na kailangan munang kumuha ang isang negosyong gumagawa ng pagkain ng license to operate bago makapag-apply ng CPR para sa bawat produkto.
Tinatayang walo hanggang 12 buwan umano ang pagproseso ng isang CPR, ayon kay Francisco.
Kinilala ni Anti-Red Tape Authority Undersecretary Geneses Abot na kabilang ang FDA sa mga ahensiyang madalas ireklamo sa ARTA dahil sa tagal ng pagproseso.
Ayon kay Abot, ipinaalam ng FDA sa ARTA na limitado ang kapasidad nito at hindi rin nito basta mapapasimple ang ilang proseso sa ilalim ng kasalukuyang batas.
Iminungkahi ni Trade Secretary Ma. Cristina Roque ang hiwalay na hotline at green lane, o pinabilis na proseso, para sa mga micro, small and medium enterprise na kumukuha ng permit at rehistro sa FDA at iba pang ahensiya.

