Tulfo

Tulfo: PNP choppers ikalat sa PH; 3 nag-crash sa 4 na taon

109 Views

HINILING ni Sen. Erwin Tulfo na dagdagan at ilagay sa mga rehiyon ang mga sasakyang panghimpapawid ng Philippine National Police upang mapabilis ang pagtugon sa krimen, sakuna at pagkasira ng kagubatan.

Tnanong ni Tulfo kung may plano ang PNP na magdagdag ng air assets upang mapabilis ang paggalaw ng mga pulis sa kabila ng matinding trapiko sa Metro Manila.

Iginiit din niyang kailangan ang air support sa malalayong bahagi ng Palawan at Sierra Madre na may problema sa kaingin at illegal logging.

Ayon kay Tulfo, umaabot umano sa dalawang araw ang paglalakad ng mga forest rangers bago marating ang ilang lugar na kailangang inspeksiyunin.

Mas mabilis na makararating ang mga pulis at forest ranger kung may nakahandang sasakyang panghimpapawid sa rehiyon.

Inakusahan din ni Tulfo ang malalaking negosyo, at hindi ang karaniwang mga magsasaka, na nasa likod umano ng ilang pagputol at pagsunog ng mga puno.

Wala siyang pinangalanang kumpanya o partikular na kaso sa naturang bahagi ng pagdinig.

Sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na sinimulan na ng PNP ang pagbili ng mga drones na pangmanman sa mga malalayong lugar.

Tinaya niyang humigit-kumulang 10 drone na may infrared camera at malayuang lente ang kukunin.

Ayon kay Remulla, maaaring lumipad nang hanggang pitong oras ang mga drone sa tinatayang gastos na P5,000 kada oras. Inihambing niya ito sa P80,000 hanggang P100,000 kada oras na gastos sa paggamit ng helikopter.

Maaaring ipadala ang drone sa lugar ng krimen upang kumuha ng larawan at magbigay ng impormasyon sa mga responder.

Sinuportahan ni Senate finance committee chair Sen. JV Ejercito ang pagbili ng mga drone para sa pagmamanman ngunit iginiit na kailangan pa rin ang mga helikopter sa search and rescue, pagtugon sa kalamidad at paglilipat ng mga pasyente sa oras ng emergency.

Sinabi naman ni Remulla na kailangan ng ibang uri ng helikopter na magagamit sa medical evacuation at rescue operations. Aniya, maipapamahagi ang mga ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa kung mapaglalaanan ng pondo.

Iniulat din ni Remulla na nakabili ang PNP ng walong helikopter noong mga nakaraang taon at tatlo ang bumagsak sa loob ng apat na taon.