Calendar
Reshuffle ng hepe ng DOs ng LTO itinakda
MAGPAPATUPAD ng reshuffle ng mga hepe ng district offices (DOs) ang Land Transportation Office (LTO) matapos lumabas sa datos ang mababang performance ng ilang DOs, partikular sa pamamahagi ng plaka at paghuli ng mga sasakyang may expired na rehistro.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, nakapaglabas na siya ng memorandum sa lahat ng Regional Directors upang ipatupad ang naturang hakbang.
Lumabas sa ulat na bumagal ang pamamahagi ng mga plaka, bumaba ang bilang ng apprehension para sa mga hindi rehistradong sasakyan, at halos huminto na ang mga outreach licensing at registration activity ng ilang DOs.
Nabigo rin ang ilang opisina na tugunan ang problema sa colorum na sasakyan na patuloy na nakaaapekto sa kita ng mga lehitimong transport group.
“Kasama rin dito ang mabagal na pagpapatupad ng mga pangunahing programa.
Kailangan nang gisingin ang ating frontline offices,” ani Asec Mendoza.
“Habang marami sa ating District Offices ay maayos ang nagiging resulta, may ilan na tila kampante na sa kanilang puwesto. Hindi ito katanggap-tanggap dahil apektado nito ang tiwala ng publiko sa LTO,” sabi ng LTO chief.
Inatasan na ni Asec Mendoza ang lahat ng Regional Director na magsumite ng rekomendasyon para sa reassignment ng mga District Officer sa kani-kanilang lugar bago mag Oktubre 3.
“Dahil kayo ang mas nakakaalam sa mga pagbabagong kinakailangan, inaatasan kayong magsumite sa Office of the Executive Director, hindi lalampas ng ika-5:00 ng hapon ng Biyernes, Oktubre 3, ng inyong mga mungkahing reassignment ng District Officers,” nakasaad sa memorandum.

