Fajardo Ipinakita ni Atty. Ade Fajardo, abogado ni dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang kopya ng counter-affidavit na isusumite sa Office of the Ombudsman, kabilang ang naiulat na pagbawi ng salaysay ni Orly Guteza, sa isang press conference na ginanap sa Max’s Restaurant sa Quezon City umaga ng Huwebes. Kuha ni VER NOVENO

Romualdez isusumite sa OMB affidavit ng 25 ex-aide ni Co

15 Views

NAKATAKDANG magsumite sa Office of the Ombudsman nitong Huwebes si dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng supplemental counter-affidavit na kalakip ang mga sinumpaang salaysay ng 25 dating driver at security aide ng dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.

Ayon kay Atty. Ade Fajardo, abogado at spokesperson ni Romualdez, kabilang sa isusumiteng dokumento ang mga pahayag ng 25 dating tauhan na nagtatangging naghatid sila ng pera kay Romualdez o sa iba pang politiko at opisyal ng gobyerno.

Kasama rin umano rito ang bagong pahayag ni Orly Guteza, isang dating sundalo at security aide ni Co, na binawi ang dati nitong alegasyon na naghatid siya ng mga maletang may lamang pera kay Romualdez.

Sinabi ni Fajardo na direktang pinabulaanan ng 25 dating tauhan ang mga naunang pahayag ng tinatawag na “18 Maleta Boys” na iniharap ni Atty. Levito Baligod.

Ayon sa mga dating tauhan, hinikayat umano silang sumali sa isang grupo ng mga testigo kapalit ng pera at mayroon nang inihandang mga affidavit para sa kanila.

Samantala, sinabi ni Fajardo na idinetalye rin ni Guteza kung paano umano siya pinilit na tanggapin at pirmahan ang mga akusasyon upang magsilbing “missing link” na mag-uugnay kay Romualdez sa kaso.

“Magkakasalungat ang mga kuwento. May mga bumabawi. May mga bagong testigong nagsasabing wala silang personal na kaalaman sa mga alegasyon,” ani Fajardo.

Inakusahan din ni Fajardo ang ilang indibidwal na hinikayat at pinilit ang mga testigo na idawit si Romualdez.

Patuloy namang itinanggi ni Romualdez ang mga alegasyon laban sa kanya.

Ayon kay Fajardo, nananatiling kumpiyansa ang kampo ng dating Speaker na sa isang patas na imbestigasyon ay mapatutunayang walang basehan ang mga akusasyon laban kay Romualdez.