Fajardo1 Atty. Ade Fajardo, abogado at spokesperson ni dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez Kuha ni VER NOVENO

Fajardo: Walang ebidensiya na nag-uugnay kay Romualdez sa mga maleta

107 Views

ANG reklamong inihain laban kay dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay nakabatay sa magkakasalungat na testimonya ng mga saksi at walang forensic o dokumentaryong ebidensiyang direktang nag-uugnay sa kanya sa umano’y cash deliveries, ayon sa kanyang abogado at spokesperson na si Atty. Ade Fajardo nitong Huwebes.

Ginawa ni Fajardo ang pahayag nang tanungin kung inaasahan ng depensa na may iba pang mga saksi na magbabawi ng kanilang salaysay at kung paano makaaapekto ang magkakaibang testimonya sa preliminary investigation ng Ombudsman.

“Hindi namin ma-predict, hindi namin mahulaan kung sino pa ang babaliktad o sino pa ang magsasabi ng katotohanan,” ani Fajardo sa isang press conference.

Sinabi niya na ilang buwan nang isinasagawa ang imbestigasyon at may malawak na kapangyarihan ang Ombudsman na magpatawag ng mga saksi at kumuha ng mga kaugnay na rekord.

“Ang kapansin-pansin lang dito is this investigation has been going on for several months,” aniya. “Lumalabas, wala man lang forensic evidence or object or documentary evidence linking the former Speaker.”

Pinuna rin ni Fajardo na umaasa umano ang kaso sa mga salaysay na nagbago sa paglipas ng panahon.

“Only oral evidence or oral testimony na alam naman natin, ito iyong pinaka-unreliable,” aniya. “That’s why we have laws on perjury, libel, et cetera, kasi these things are easily manufactured.”

Nauna nang binawi ng apat sa orihinal na 18 tinaguriang “Maleta Boys” ang kanilang mga alegasyon. Si Orly Guteza, na tumestigo rin sa Senado noong Setyembre 2025 na naghatid umano siya ng mga maletang may lamang pera kay Romualdez, ay umatras din sa kanyang alegasyon sa isang bagong affidavit na iniulat noong Agosto 19.

Gayunman, nanindigan ang iba pang mga saksi sa kanilang mga naunang pahayag. Isa sa kanila ang nagsabing may milyun-milyong pisong inialok upang hikayatin ang mga pagbawi ng salaysay, habang nagsumite naman si Baligod ng isang flash drive na aniya’y may kaugnayan sa mga pag-atras ng ilang saksi. Itinanggi ng kampo ni Romualdez na nakaimpluwensiya o nagbayad ito ng sinumang testigo.

“It’s a non-case,” sinabi ni Fajardo. “It should be dismissed kasi wala nang ebidensiya maliban sa kuwento, at ang kuwento ay iba-iba; ang kuwento ay nababaliktad.”

Idinagdag niya na may mga indibidwal na isinama o inalis sa mga salaysay habang nagbabago ang sitwasyong pampulitika.

Binanggit din ni Fajardo ang mga kasong cyberlibel at perjury na isinampa laban kay Baligod at ilang miyembro ng grupo ng mga saksi.

Ayon sa kanya, nagsagawa rin ng mga kaukulang hakbang ang mga ahensiya ng gobyerno, kabilang ang National Bureau of Investigation at Department of Justice, kaugnay ng mga kasong cyberlibel at perjury laban sa ilang miyembro ng grupo.

Ang mga reklamong perjury ay may kinalaman sa umano’y false statements na ginawa ng mga saksi sa magkakahiwalay na pagkakataon. Gayunman, hindi nito inaalis ang obligasyon ng Ombudsman na suriin ang umano’y cash-delivery scheme batay sa sarili nitong ebidensiya, tulad ng hindi rin awtomatikong nabubura ng mga pagbawi ng salaysay ang mga naunang testimonya.

Sinabi ni Fajardo na nasagot na ni Romualdez ang mga paratang laban sa kanya at isusumite nito ang pinakabagong mga affidavit para sa konsiderasyon ng Ombudsman.