Fajardo2 Atty. Ade Fajardo, abogado at tagapagsalita ni dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez Kuha ni VER NOVENO

Resolusyon ng Ombudsman sa imbestigasyon kay Romualdez di dapat hatol in advance

97 Views

ANUMAN ang magiging resolusyon ng imbestigasyon ng Ombudsman kay dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay dapat magmula sa isang ganap at impartial evaluation ng mga ebidensiya at hindi dapat ituring na napagdesisyunan na bago pa man matapos ang proseso, ayon sa kanyang abogado at tagapagsalita na si Atty. Ade Fajardo nitong Huwebes.

Ang pahayag ni Fajardo ay bilang tugon sa mga ulat na umano’y malapit nang maglabas ng pasya ang Ombudsman matapos matanggap ang mga isinumiteng dokumento ng mga panig. Noong Hulyo, inatasan ng anti-graft office si Romualdez at ang kanyang co-respondents na magsumite ng mga counter-affidavit bilang tugon sa mga recommendation for complaints na may kaugnayan sa umano’y plunder, graft, bribery at money laundering.

“Dapat hindi ganoon ang pagkakasabi. Dapat hindi pre-ordained ang resulta. We can only hope for fairness,” ani Fajardo sa mga mamamahayag sa isang press conference.

Ang kautusan ng Ombudsman na magsumite ng counter-affidavit ay bahagi ng preliminary investigation, at hindi nangangahulugan na may naihain nang kasong kriminal sa hukuman o na napatunayang nagkasala ang sinumang respondent.

Nagsumite si Romualdez ng kanyang unang counter-affidavit noong Agosto 7. Ayon kay Fajardo, magsusumite ang depensa ng karagdagang counter-affidavit nitong Huwebes matapos humiling ng dagdag na panahon. Kalakip nito ang mga pahayag mula sa 25 dating security, administrative at close-in aides na may kaugnayan kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co. Isasama rin umano ang naiulat na pagbawi ng salaysay ni Orly Guteza.

Nauna nang sinabi ng Ombudsman na kapag nakumpleto na ang lahat ng kinakailangang dokumento, isusumite ang kaso para sa resolusyon. Kabilang sa prosesong ito ang pagsusuri sa reklamo, mga counter-affidavit, mga pagbawi ng salaysay, at iba pang nagpapatibay o sumasalungat na ebidensiya.

Sinabi ni Fajardo na nasagot na ng depensa ang lahat ng alegasyong tinukoy ng special panel ng Ombudsman.

“Actually, all the allegations have officially been made already kasi iyong Ombudsman ay may tinatawag na special panel of investigators,” aniya. “Sinagot na po namin lahat iyon.”

Iginiit niya na walang transaksiyon o proyektong flood control na direktang nag-uugnay kay Romualdez sa umano’y delivery scheme.

“Aside from itong kuwentong — sabihin na nating kuwentong kutsero — ay wala pong nag-uugnay kay Congressman Romualdez sa mga transaksyong ito,” sinabi ni Fajardo. “Walang project, walang flood control project.”

Ayon pa sa abogado, tila nakasentro ang teorya laban sa kanyang kliyente sa mga posisyong hinawakan nina Romualdez at Co sa Kamara de Representantes.

“Ang parang umiikot lang ang kuwento sa the fact na he was Speaker of the House when Zaldy Co was appropriations chair,” aniya.

Binigyang-diin ni Fajardo na ang congressional budgeting ay isang kolektibong proseso na kinasasangkutan ng Kamara, Senado at ehekutibong sangay ng pamahalaan. Aniya, ang pagiging Speaker lamang ay hindi sapat upang patunayan ang pakikilahok sa isang ilegal na transaksiyon.

“Pag ganoon po ang theory ng kaso, e di lahat ng nag-participate na congressman, lahat ng nag-participate na senador, kasi bicam ito, pati executive department kung saan nagmula itong project na ito, ay lahat nasa control ng Congressman Romualdez. I think that’s not consistent with human experience,” ani Fajardo.