Martin Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez

Romualdez itinanggi mga alegasyon ni VP Sara

234 Views

MARIING itinanggi ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga alegasyon ni Vice President Sara Duterte na nag-uugnay sa kanya sa ilegal na sugal na walang basehan at gawa-gawa lamang.

“Naririnig ko ang mga akusasyon. Diretsahan kong sasabihin: hindi totoo na ako’y tumatanggap mula sa ilegal na sugal,” ani Romualdez.

Sinabi ng dating Speaker na pawang imbento ang mga kuwento ng umano’y “suitcases of cash” na layong dungisan ang kanyang pangalan.

“These stories about ‘suitcases of cash’ are pure fiction. Lahat guni-guni. Madaling magturo, madaling mag-imbento ― pero ang katotohanan, hindi kayang patunayan. Until today, wala pa ring ipinakitang ebidensiya ― puro sabi-sabi lang na inuulit-ulit,” giit niya.

Tungkol naman sa mga alegasyong inuugnay siya sa Okada/Delaware dispute, naging malinaw ang kanyang pahayag: “Sa isyung Okada/Delaware, malinaw: hindi ako kasali, hindi ako iniimbestigahan, at hindi ako akusado. Wala akong kinalaman sa kasong iyon, na away ng dalawang negosyo. Binabalik lang ngayon para siraan ako.”

Bumuwelta rin si Romualdez sa pinagmumulan ng mga alegasyon, at sinabing nakalulungkot na mismong ang Pangalawang Pangulo ― na may sarili ring kinakaharap na problemang pampulitika ― ang siyang nagpapakalat ng “lies.”

“Nakakalungkot na ang mismong Bise Presidente, na inakusahan at na-impeach ng House dahil sa maling paggamit ng pondo, ay siya pang nagkakalat ng ganitong kasinungalingan. When the source itself has lost credibility, why should anyone believe these baseless claims?” ani Romualdez.