Calendar
Sotto: Ghost project nagbigay ng maling impresyon na lahat ng amendments di nararapat
SINABI ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ang amendments at insertions sa deliberasyon ng Senado ay normal na bahagi ng proseso at bahagi ng mandato ng mga senador upang tiyakin ang wastong paglalaan ng pondo bilang mekanismo ng check-and-balance.
Binigyang-diin niya na ang pondo para sa mga proyektong may amendments “does not in any way go thru the Senate” at direktang dumadaan sa implementing agencies ng Ehekutibo.
Idinagdag ni Sotto na ang kontrobersiya sa umano’y “ghost projects” at nabigong flood-control initiatives ay nagbigay ng maling impresyon na lahat ng amendments ay hindi nararapat.
Ayon sa kanya, maraming amendments ang para sa pangunahing serbisyo tulad ng dagdag na classrooms, farm-to-market roads, at tulay—karaniwang kahilingan ng mga LGU at komunidad na hindi naisama sa prayoridad ng kanilang regional councils. Ang ilan dito ay tinag na “for later release (FLR).”
Dagdag pa niya, napagkasunduan sa caucus na magpapatupad ng mga reporma sa 2026 budget deliberations para sa mas malinaw na transparency, accountability, at partisipasyon ng publiko, kabilang na ang live streaming “in all the steps of the budget process.”
“The Senate is one with the nation in ensuring that the taxes paid by the public will be used correctly,” wika ni Sotto.

