Garma Dating PCSO General Manager Royina Garma

PNP isisilbi na arrest warrant vs Garma, 4 pa

Alfred Dalizon Sep 29, 2025
289 Views

INATASAN na ang pulisya na isilbi ang mga non-bailable warrant of arrest laban sa dating general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na si Royina Garma at apat na iba pa para sa kasong murder at frustrated murder, ayon kay Brigadier Gen. Randulf T. Tuaño, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), nitong Lunes.

Iniutos ng Mandaluyong Regional Trial Court Branch 279 ang pag-aresto kay Garma at kanyang apat na co-accused kaugnay ng pagpatay kay retired Police Brigadier Gen. Wesley Barayuga, dating PCSO Board secretary, sa labas ng tanggapan ng PCSO noong Hulyo 2020.

Si Barayuga ay isang abogado at miyembro ng Philippine Military Academy Class 1983.

Bukod kay Garma, inatasan ding arestuhin sina dating National Police Commission (Napolcom) Commissioner Edilberto Leonardo, Lt. Col. Santi Mendoza at dating police officers Nelson Mariano at Jeremy Causapin.

Ayon kay Tuaño, nagbitiw na sina Garma at Leonardo sa serbisyo bago sila italaga sa PCSO at Napolcom sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Si Mendoza ay kasalukuyang nakatalaga sa Personnel Holding and Administrative Unit ng PNP Directorate for Personnel and Records Management, habang si Mariano ay na-dismiss na sa serbisyo at si Causapin ay nagbitiw na rin sa pulisya.

“Gusto ni Chief PNP Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez eh justice for all. Meaning, police will implement all warrant of arrest regardless of the case. Ang directive ni Chief PNP sa CIDG and other PNP units, may manhunt palagi and we will implement all warrants of arrest palagi,” sinabi ni Tuaño.

Si Barayuga ay binaril sa loob ng sasakyan ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng motorsiklo noong Hulyo 30, 2020, sa Mandaluyong City. Nakaligtas ang kanyang driver sa insidente na naganap matapos nilang umalis sa tanggapan ng PCSO.

“Ito po ay recommended na no bail… Hindi po tayo magke-create ng tracker group or special group sapagkat nanatili na mayroon tayong task group manhunt… kahit anuman kaso, malaki man o maliit, we will all implement the warrant of arrest,” dagdag ni Tuaño.

Sinabi rin ni Tuaño na iniimbestigahan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang impormasyon na umalis na ng bansa si Garma.

“Ang information po na nakuha ng CIDG, sila po ay umalis ng bansa pero madali lang naman pong i-verify. Kukuha po tayo ng certification coming from the Bureau of Immigration para ma-certain po natin ‘yung mga report na natanggap ng CIDG kaugnay ng kanyang presence sa Pilipinas o saanman,” aniya.