Sen. Erwin Tulfo

Tulfo isimulong paglikha ng Dep’t of Water Resources Management

327 Views

PINUNA ni Senator Raffy Tulfo ang PrimeWater Infrastructure Corp. sa pagdinig ng Senado dahil umano sa kabiguan nitong tuparin ang mga ipinangakong proyekto at sa patuloy na problema ng mga konsumer na nakararanas ng mahina o walang tubig, maruming suplay, at mataas na singil.

“Tubig ay karapatan, hindi pribilehiyo,” aniya, habang inilahad ang sitwasyon ng mga pamilyang araw-araw na apektado. “These are real, everyday struggles that ordinary Filipinos endure everyday.”

Ayon kay Tulfo, may joint venture ang PrimeWater sa 75 water district na may kabuuang proyektong aabot sa ₱100 bilyon. Ngunit lumabas umano sa ulat ng Commission on Audit na malaki ang diperensiya sa ipinangakong gastos at sa aktwal na nailabas: Metro Surigao (₱62M ng ₱904M, 6.86%), Panabo (₱50M ng ₱644M, 7.76%), Tagaytay (₱130M ng ₱1.2B, 10.83%), Sta. Cruz, Laguna (₱144M ng ₱518M, 27.8%), at Cabanatuan (₱262M ng ₱716M, 36.6%).

“Habang lumilipas ang panahon, nasaan ang catch-up plan?” tanong niya.

Ipinunto rin ng senador ang mga reklamo mula sa iba’t ibang distrito gaya ng mahina ang pressure, biglaang pagkawala ng suplay, at tubig na kayumanggi o mabaho. Sa Trece Martires, iniulat na umaabot lamang sa 5 PSI ang pressure. Binigyang-diin din niya ang kakulangan umano ng aprubadong Water Safety Plan mula sa Department of Health na hinihingi pa noong 2014.

Sa kabila ng mga problema, binigyang-diin ni Tulfo na nananatiling mataas umano ang singil sa mga konsumer.

Binanggit din ang mga retrenchment sa Bacolod City Water District at sa iba pang lugar matapos pumasok sa joint venture agreements (JVA).

Sa pagtatapos, nanawagan si Tulfo ng mas malawak na reporma at isinusulong ang kanyang panukalang batas para sa pagbuo ng Department of Water Resources Management at Water Regulatory Commission. “The priority is clear: water is a right, not a privilege,” aniya.